BANGKOK – Matikas na nakilahok ang Petron-Philippine Superliga (PSL) All-Stars, ngunit sadyang kulang pa sa karanasan ang Pinay belles at yumukod sa Bangkok Glass, 23-25, 25-11, 25-16, 25-9, sa pagsisimula ng AVC Asian Women’s Club Championship – Thai-Denmark Super League -- nitong Miyerkules sa The Mall dito.
Hataw si American import Jordanne Scott para sa Bangkok Glass sa 22 puntos, tampok ang 18 atake at apat na block, habang kumana si Sutadta Chuewulim ng 14 na puntos at kumubra sina Thai national team mainstay Pleumjit Thinkaow at Wanida Kotruang ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Naitala ng Bangkok ang kabuuang 52 atake mula sa 36 perfect setting ni playmaker Pornpun Guedpard.
Nanguna sa Pinay All-Star sina Aiza Maizo-Pontillas, Cha Cruz at crowd-darling Rachel Anne Daquis, subalit hindi nila nakayanan ang lakas at diskarte ng karibal.
“Yung passing lang ang nawala sa atin nu’ng last three sets,” sambit ni PSL All-Stars coach George Pascua. “Nakita n’yo naman ‘yung first set, kaya nating makipagsabayan.”
Kumubra si Daquis ng siyam na puntos, habang nag-ambag sina Maizo-Pontillas at Cruz ng tig-anim na puntos.
Makakaharap ng Pinay ang Idea Khonkaen sa Huwebes ng gabi.