Naisara na ang non-title welterweight rematch nina Conor McGregor at Nate Diaz sa pinakaaabangang Ultimate Fighting Championship (UFC) 200 sa Hulyo 10 sa United States.

Ayon sa MMAFighting.com, kung masusunod ang binubuong plano, nakatakdang ipahayag ni UFC President Dana White ang official announcement ng nasabing laban.

Sa unang bahagi ng buwang kasalukuyan, tinalo ni Diaz si McGregor sa pamamagitan ng second round rear-naked choke sa main event ng UFC 196.

Isang malaking tagumpay para sa UFC ang laban na naikasa sa loob lamang ng 11 araw makaraang umatras ang orihinal na kalaban ni McGregor na si Rafael dos Anjos sanhi ng foot injury.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Base sa mga pigurang nakalap ng UFC, mabilis nitong nalagpasan ang one million pay per view buys at ito rin ang third highest gate receipts sa kasaysayan ng organisasyon.

Ito naman ang unang kabiguan ni McGregor sa walong laban niya sa UFC at bumagsak sa 19-3 professional record.

Para kay Diaz, isang nine-year veteran ng UFC, hawak niya ang 19-10 record at mas naging popular pa dulot ng kanyang impresibong tagumpay kay McGregor noong Marso 5.

Habang kapwa humihirit sila Frankie Edgar at Jose Aldo para makatuos si McGregor sa Hulyo, nasunod pa rin ang plano na muling magbakbakan ang Irishman at si Diaz.

Gaganapin ang UFC 200 sa bagong tayong T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada at itatampok dito ang sagupaang Cain Velasquez vs. Travis Browne at Gegard Mousasi vs. Derek Brunson. (Gilbert Espeña)