Nilinaw ni Filipino eight-division world champion at Senatorial candidate Manny Pacquiao na hindi niya gagamitin sa laban niya kay American Timothy Bradley ang ‘mouthguard’ na may nakahulmang logo ng kanyang partido na United Nationalist Alliance (UNA).
Sinabi ni Pacman, sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Romulo Macalintal, na specialized ‘mouthguard’ na may logo ng MP Promotion ang kanyang gagamitin.
Inilagay ni Pacman ang larawan ng ‘mouthguard’ sa kanyang Instagram at Facebook account.
“When I heard about this report, I immediately texted him (Pacman) and inquired about the truth thereof. At around 6:40 in the evening, Manila time, I received his text reply denying said report,” pahayag ni Macalintal patungkol sa impormasyon na ibinigay ng Pinoy champion.
“Hindi totoo ‘yan,” sambit ni Pacquiao, ayon kay Macalintal.
Naging usap-usapan sa social networking ang larawan ng mouthguard umano ni Pacman na may nakalimbag na logo ng UNA, ang partido na kinaaaniban ng Sarangani Congressman para sa darating na halalan sa Mayo 9. - Leslie Ann Aquino