“Palalim nang palalim.”

Ganito inilarawan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III, chairman ng Blue Ribbon Committee, ang takbo ng imbestigasyon sa misteryosong pagpasok sa lokal na sangay ng RCBC bank ng $81 milyon (P3.7 bilyon) na tinangay sa Bank of Bangladesh sa pamamagitan umano ng hacking.

Ito ay matapos magpalitan ng akusasyon ang mga opisyal ng RCBC Jupiter branch sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng Senado sa pinakamalaking kontrobersiya ng money laundering sa kasaysayan ng bansa.

Isiniwalat ni Maia Santos Deguito, RCBC Jupiter branch manager, ang kanyang nalalaman sa isyu sa isinagawang executive session na tumagal ng halos dalawang oras.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Guingona na lalong uminit ang intrigahan sa hanay ng mga opisyal ng naturang bangko matapos ang executive session.

Naniniwala si Guingona na marami pang personalidad ang madadawit sa kontrobersiya na pinaniniwalaang isinagawa ng isang sindikato sa money laundering.

Partikular na tinukoy ni Guingona ang testimonya ni Deguito, na nagsabing inatasan ito ni RCBC President at CEO Lorenzo V. Tan na “alagaan” si Kim Wong, na itinuturing ng huli bilang isang “valued client” ng RCBC.

Matatandaan na unang humarap si Kim Wong sa Senate hearing hinggil sa kontrobersiya sa ilegal na droga noong 2001 at lumitaw sa isang testimonya sa pagdinig kahapon na si Wong ay kaibigan ni Tan.

‘’Of course, in fairness to Mr. Lorenzo Tan, ang sabi niya hindi talaga nangyari yon,’’ ayon kay Guingona.

(MARIO CASAYURAN)