Kinuwestiyon ng United Nationalist Alliance (UNA) ang mahigit P7.040-bilyon pondo na wala umanong liquidation at financial report sa ilalim ng termino ni Mar Roxas sa Department of Interior and Local Government (DILG), na nabunyag sa annual audit report ng Commission on Audit (CoA).
Ayon sa CoA audit report, ang pondo ay inilipat sa iba’t ibang proyekto tulad ng Provision of Potable Water program (SALINTUBIG), PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA), Bottom-Up Budgeting (BUB), Rehabilitation Assistance on Yolanda (RAY), at Public Transport Assistance Program (PTAP).
Sinabi ng CoA na senyales ito na bigo ang DILG na i-monitor ang implementasyon ng mga proyekto ng kagawaran.
“The Receivables accounts accumulated to a huge amount of 7.040 billion because management failed to monitor the liquidations of the fund transfers and submission of the corresponding financial reports contrary to CoA Circular No. 94-013,” ayon sa state audit agency.
Bukod dito, ibinunyag pa ng CoA na may P17-milyon cash advance ang nananatiling unliquidated sa DILG.
Batay sa 2013 Annual Financial Report, sinabi ng CoA na lumobo ang P1.1-bilyon unliquidated cash advance na ginamit umano sa mga biyahe sa lokal at ibang bansa at sa espesyal na kaukulan at paggagamitan noong kalihim pa si Roxas sa DILG.
“Mar Roxas’ track record as Secretary of the Interior and Secretary of Transportation and Communication speaks volumes of his executive abilities,” pahayag ni UNA Spokesperson Mon Ilagan.
“Kahit sa mga project na wala namang technical knowledge ang DILG, kinukuha nila. Ngayon, hirap silang mag-monitor at mag-liquidate,” dugtong ni Ilagan. (BELLA GAMOTEA)