REGINE AT NATE copy

BABALIK na ngayong buwan sa GMA Telebabad block si Regine Velasquez na iniwan niya five years ago nang magbuntis siya sa panganay nila ni Ogie Alcasid na si Nate.

Paspasan na ang production ng Poor Señorita, light romantic comedy series na eere simula Marso 28 pagkatapos ng 24 Oras.

Ang problema, nasanay na si Nate, four years old na ngayon, na araw-araw silang magkasama sa bahay, kaya ngayong back to serious work na si Regine, laging may hugot ang bagets.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“I don’t want you to leave the house, Mom,” madalas na litanya ngayon ni Nate kapag aalis na siya papuntang taping, kuwento ng Asia’s Songbird sa amin nang makasabay naming at eksklusibong makakuwentuhan kahapon, sa elevator papuntang presscon ng Poor Señorita sa executive lounge sa 17th floor ng GMA Network Center.

“Meron pa s’yang linya, ‘Don’t go home anymore!’” natatawang dagdag ni Regine.

“Kung anu-ano ang pakiusap para lang hindi agad ako umalis ng bahay, kawawa naman. Nasanay na kasi since baby pa na daddy lang niya ang lumabas at busy sa maraming work. Ngayon lang uli ako, kaya hindi pa makapag-adjust ang anak ko.”

Hindi ordinaryong bata si Nate. Sa murang gulang, matatas na itong magsalita. Dalawang taong gulang pa lamang napansin nila na marunong na itong magbasa.

“Marami siyang books,” kuwento pa ng proud mom. “Dati binabasahan namin, ngayon gusto niya siya na lang ang nagbabasa. At ang bilis niyang magbasa. Sa isip ko nga, tiyanak yata itong anak ko!”

Napapansin din nila na parang matanda nang makipag-usap at kumilos ang bagets. Kaya hindi lang children’s book ang binabasa nito, pati promo materials ng concerts o shows niya.

Samantala, isa si Regine sa mga nagsusulong ng panawagang pagbabago sa “unlimited” time na pagtatrabaho sa produksiyon sa entertainment industry. (REGGEE BONOAN)