Patay ang isang helper matapos magsaksak sa sarili dahil umano sa labis na pagka-homesick sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon.

Isinugod pa sa Sta. Ana Hospital si Dionisio Abas, 20, stay-in helper sa Prince and Princess Canteen na matatagpuan sa 1763 Raymundo corner A. Francisco Streets, sa San Andres Bukid, ngunit nasawi rin dahil sa isang tama ng saksak sa dibdib.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Jorlan Taluban, ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 10:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng naturang kantina.

Ayon sa saksing si Nelmar Malupe, 24, binata, kasamahan ni Abas sa trabaho, naghahanda siya ng pagkain para sa canteen nang tawagin siya ng biktima.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Pare, tingnan mo ang gagawin ko,” sinabi pa umano ni Abas sabay tarak ng hawak na kutsilyo sa sariling dibdib.

Tinangka umanong pigilan at agawin ni Malupe ang kutsilyo mula sa biktima ngunit itinuloy pa rin nito ang pagsasaksak sa sarili.

Ayon naman kay Maria Sarah Bunganay, 37, employer ng biktima, Marso 4 lang nagsimulang magtrabaho si Abas sa canteen.

Gayunman, sinabi ni Bunganay na wala pa umano itong isang linggong nagtatrabaho sa kanya gusto na nitong umuwi sa pamilya nito sa hindi tinukoy na probinsiya dahil naho-homesick na umano ito. (Mary Ann Santiago)