Jaclyn Jose copy

MAY awareness ngayon ang mga taga-showbiz tungkol sa mahabang oras ng trabaho sa produksiyon, mula sa mga manggagawa hanggang sa mga artista, director at production staff, matapos ang magkasunod na pagpanaw nina Direk Wenn Deramas at Direk Francis Xavier Pasion, mga bata pa at marami pang puwedeng maiambag sa industriya.

Kaya sa presscon ng afternoon prime ng GMA-7 na The Millionaire’s Wife, isa sa mga nabanggit ni Direk Albert Langitan ang tungkol sa pagtatrabaho niya at ng kanyang production staff.

“Hindi po ako nai-stress sa trabaho ko rito, mahuhusay ang mga artista ko at very professional sila sa trabaho,” sabi ni Direk Albert. “Para kaming isang big family at masaya kami sa set. Sa mga eksena na lamang inilalabas ang emosyon ng bawat isa.”

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Si Jaclyn Jose, gumaganap bilang kontrabida sa buhay ng amang si Robert Arevalo at ni Andrea Torres, nang makausap namin after ng presscon, nagpahayag na mayroon silang binuong grupo na gustong isulong ang pagbabago sa kalakarang ito sa showbiz. 

Wala pang ibinigay na detalye si Jaclyn tungkol sa kanilang gagawin pero naniniwala sila na makikipag-meet half-way sa kanila ang TV producers na alam din naman ang mga nangyayari at siguro nga raw ay gumagawa na rin ng moves na mabago ito.

“Thirty years na ako sa business, at 30 years na rin akong nagpupuyat sa trabaho,” seryosong sabi ni Jaclyn.

“Wake-up call din sa akin ang nangyayari ngayon, kasi hindi rin ako nagpapa-check-up ng health ko, kaya aminado akong alarming din ang sunud-sunod na pangyayari ngayon. Mga nakatrabaho at mga kaibigan ko sila, nakakalungkot.

“Kaya noong isang araw, kinausap ko si Andi (Eigenmann) at sinabihan ko siyang huwag niyang pag-artistahin ang anak niyang si Elle. Hayaan niyang ma-enjoy ni Elli ang normal life ng isang bata, kaya dapat ay mag-ipon siya nang mag-ipon. Ang gusto ko noon pa sa mga anak ko, iyong maging normal din lamang ang buhay nila, mag-aral, bumuo ng masayang pamilya, sama-samang kumakain, natutulog nang mahimbing, kasi ako, hindi ko ito naranasan noon dahil at 23, nagsimula na nga akong magtrabaho.”

Sana makasama rin ang pag-aaralan nina Jaclyn at mga kasama niya iyong pagtanggap naman ng TV workers ng maraming trabaho para lumaki ang kita. Dahil sila iyong halos hindi na natutulog sa ilang TV projects na ginagawa nila nang sabay-sabay. Mali pa rin, dahil kumita nga sila ng malaki, pero napupunta rin lang naman sa pagpapagamot nila kapag dinapuan na sila ng sakit. (NORA CALDERON)