FORT DEL PILAR, Baguio City - Isang Ibanag mula sa Isabela ang nanguna sa “Gabay Laya” (Gintong Anak ng Bayan, Alay ay Buhay Para sa Kalayaan) Class 2016 ng Philippine Military Academy (PMA).
Pangungunahan ni Cadet First Class Kristian Daeve Gelacio Abiqui, 24, ng San Pablo, Isabela, ang pagtatapos ng 63 kadete ng akademya sa Linggo, Marso 13, na inaasahang dadaluhan ni Commander in Chief President Benigno S. Aquino III.
Tatanggap si Abiqui ng Presidential Saber Award, Philippine Navy Saber Award, Academic Group Award, Australian Defense Best Overall Performance Award, Humanities Plaque, Mathematics Plaque, Natural Science Plaque, Navy Professional Course Plaque, at General Antonio Luna Award.
Kabilang si Abiqui sa 17 kadete na aanib sa Philippine Navy (PN), 13 sa Philippine Air Force (PAF), at 33 sa Philippine Army (PA).
Bunso sa dalawang magkapatid na babae ang panganay, si Abiqui ay anak ng isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at maybahay naman ang kanyang ina.
Nabatid na si Abiqui ay dating miyembro ng PMA Class 2015, ngunit sa ikalawang taon niya ay nagkaroon siya ng problema sa baga dahil sa training at ilang buwang na-confine sa ospital, kaya tuluyan na siyang natigil sa pag-aaral at hindi nakasama sa mga nagtapos sa akademya noong nakaraang taon.
“Isang malaking hamon sa akin ang makapasok at makapagtapos sa PMA, dahil bata pa lang ako ay pangarap ko na rito.
Dahil 16 taon pa lang ako noong magtapos ng high school, nag-aral muna ako sa UPLB (University of the Philippines-Los Baños) at pinalad na makapasa sa examination, at ‘eto, hindi ko akalain na mangunguna ako sa aming class,” ani Abiqui.
“Lahat kami ay number one, at malaki ang paniwala ko na ang PMA ang tanging institusyon na matatag at may kredibilidad, kaya handa kong gampanan at gawin ang mga natutunan ko para sa bayan,” dagdag pa ni Abiqui.
Pumangalawa naman kay Abiqui ang nag-iisang babaeng kadete na si First Class Christine Mae Naungayan Calima, 21, ng Bolinao,Pangasinan, na aanib sa PAF, at tatanggap ng Vice Presidential Saber Award at 12 pang major award.
Ang top 10 ng PMA Class of 2016 ay kinumpleto nina Arby Jurist Cabrera, ng Cauayan City, Isabela; Joseph Stalin Fagsao, ng Madella, Quirino; Jayson Jess Tumitit, ng Baguio City; Mark Joseph Daria, ng Bangar, La Union; Ace Clarianes, ng Libmanan, Camarines Sur; Prince Aday, ng Sta. Cruz, Davao del Sur; George Garcia, ng Labrador, Pangasinan; at Gerald Gasacao, ng Meycauayan City, Bulacan. (Rizaldy Comanda)