Mga laro ngayon
(Araneta Coliseum)
3 n.h. -- Globalport vs Blackwater
5:15 n.h. -- Star vs Talk ‘N Text
Tatlong koponan ang magtatangkang makapiglas mula sa five-way tie sa ika-limang puwesto, habang isang grupo ang nagnanais na patunayan ang sariling lakas sa pagbabalik ng aksiyon sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Magkakasama na parehong may 2-3 karta ang Globalport, Blackwater at Talk ‘N Text, kasama ang walang larong NLEX at Rain or Shine, habang nasa buntot ng team standings tangan ang 1-4 karta ang Star Hotshots.
Nakatakdang maghiwalay ng landas sa unang laban ganap na alas-3:00 ng hapon ang Batang Pier at ang Elite, habang makakasagupa naman ng defending champion Tropang Texters ang Hotshots sa tampok na laban ganap na alas-5:15 ng hapon.
Inaasahang mainit na bakbakan ang mamagitan sa Elite at Batang Pier dahil kapwa iiwas ang dalawang koponan na masadlak sa ikatlong sunod na kabiguan.
Sa tampok na laban, inaasahan naman ni Tropang Texters coach Jong Uichico na magiging pundasyon sa hangad nilang tuluy-tuloy na pag-angat ang naitalang 108-96 na panalo kontra Phoenix noong Pebrero 27.
“We should build something on this game. I am more concerned now about how we’re playing, if we can improve and sustain the level of intensity,” pahayag ni Uichico.
Sa panig ng Hotshots, sisikapin nilang makabawi mula sa natamong kabiguan sa kamay ng kanilang sister team Barangay Ginebra sa nakaraan nilang laro upang makaahon sa ilalim ng team standing. (MARIVIC AWITAN)