NBA home-record win, pinantayan ng Warriors.
OAKLAND, Calif. (AP) – Walang bakas na may tinamong pinsala sa paa si Stephen Curry na animo’y umaalimpuyong hangin sa bilis sa pag-atake sa basket sa kanyang pagbabalik para maitumpok ang 33 puntos tungo sa impresibong, 121-106, pagkaldag ng Golden State Warriors sa Oklahoma Thunder at pantayan ang NBA home-record ng Chicago Bulls na 44 sunod na panalo nitong Huwebes ng gabi (Biyernes sa Manila).
Limang araw matapos pantayan ang NBA record sa 12 3-pointer sa overtime win sa Oklahoma City, tumipa ang reigning MVP ng 5 of 15 mula sa 3-point area, ngunit sa pagkakataong ito ay mas matibay ang suporta ng bench para makamit ng Warriors ang best record ngayong season sa 55-5.
Naitala ng Bulls ang ika-44 sunod na panalo sa home game mula Marso 30, 1995, hanggang April 4, 1996. Sa naturang season, naitala ng six-time champion ang record na 72-10 karta, na target ng Warriors na laspagin ngayong season.
SPURS 94, PELICANS 86
Sa New Orleans, nagtumpok si Kawhi Leonard ng 30 puntos at 11 rebound sa panalo ng San Antonio Spurs kontra Pelicans.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 26 na puntos, habang tumipa si Danny Green ng 11 puntos para sa ikapitong sunod na panalo .
Naghabol ang Spurs sa 84-86, ngunit humataw ang San Antonio sa matikas na 12-0 run sa huling 3:10 ng laro para maagaw ang bentahe tungo sa ika-51 panalo ngayong season.
Nanguna sa Pelicans si Anthony Davis sa 17 puntos at 13 rebound, habang tumipa sina Eric Gordon ng 23 puntos at Jrue Holiday na may 13 puntos.
KINGS 104, MAVS 101
Sa Dallas, ratsada si Rajon Rondo sa 18 puntos at 12 assist para gabayan ang Sacramento Kings sa pagdispatsa sa dating koponang Mavericks.
Tila nabigyan ng gana ang pride ni Rondo nang buskahin ng crowd para pamunuan ang opensa ng Kings at makabawi sa Mavs na gumapi sa kanila sa overtime noong Enero.
Ratsada si DeMarcus Cousins na may 22 puntos at 13 rebound para sa Sacramento, tinuldukan ang four-game losing skid.
Nanguna si Chandler Parsons sa Mavs sa nakubrang 28 puntos.
HEAT 108, SUNS 92
Sa Miami, naglagablab ang opensa nina Dwyane Wade at Goran Dragic na kumana ng 27 at 25 puntos, ayon sa pagkakasunod, sa dominanteng panalo ng Heat kontra Phoenix Suns.
Nag-ambag si Luol Deng ng 12 puntos, habang kumana si Hassan Whiteside ng 11 rebound para sa Miami, umabante sa pinakamalaking bentahe na 21 puntos.
Kumamada sa Suns si rookie guard Devin Booker sa 34 na puntos, habang kumana sina Mirza Teletovic, Archie Goodwin at P.J. Tucker ng tig-10 puntos.