Kumbinsido si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na ang mababang moralidad at pagkawala ng kulturang Pilipino ang dahilan ng pagtatala ng Pilipinas ng pinakamataas na teenage pregnancy rate sa buong Asia.

Ayon kay Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), habang lumilipas ang panahon ay nawawala na ang magagandang kultura ng mga Pilipino, dahil sa epekto ng pagiging third world country.

“Kaya bumaba ‘yung moralidad dito sa atin sa Pilipinas dahil third world country kasi tayo, kaya ini-invade tayo ng mga value system ‘yung moral value system na galing sa first world countries,” paliwanag ni Cruz sa panayam ng Radio Veritas.

Aniya, lahat na lang ay ginaya ng mga Pilipino sa mga first world country, kahit ang masasamang ugali at kawalan ng moralidad, tulad ng contraception, same-sex marriage, at iba pa.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Ganyan din sa RH Bill, galing sa labas ‘yan. ‘Yung same-sex marriage, galing din sa labas ‘yan, [pati] ‘yung population control bill. So, dumadayo rito sa ating bansa, at ang mga Pilipino naman niyayakap ‘yang ganyang maling aral at mga value system,” paliwanag ng Arsobispo.

Naniniwala ang Arsobispo na malaki rin ang epekto sa kabataan ng mga napapanood nila sa telebisyon na mga immoral na palabas, at maging ang mga nakikita sa social media.

Batay sa datos ng United Nations Population Fund, mula 2011 ay tumaas sa 70 porsiyento ang kaso ng teenage pregnancy sa Pilipinas, na umaabot sa 195,662 kada taon o 53 ang sanggol na isinilang sa 100 babae na edad 15-19.

(Mary Ann Santiago)