NAHAHARAP ang ilang bahagi ng Great Barrier Reef sa Australia sa permanenteng pinsala kung hindi pa maiibsan ngayong buwan ang tindi ng pananalasa ng umiiral ngayong El Niño, na isa sa pinakamatinding naranasan sa mundo sa nakalipas na dalawang dekada.
Ito ang babala ng mga siyentista laban sa tuluyang pagkasira ng kilalang world heritage site.
Ang El Niño ay dulot ng pag-iinit ng karagatan sa kanlurang Pasipiko—ideyal na kondisyon para sa coral bleaching, na tinatanggal ng bahura ang mga nabubuhay na algae, na nagreresulta para ito ay mag-calcify o maging solido na parang bato. Maaari lamang mabuhay ang bahura sa tamang timpla ng temperatura ng dagat.
Ayon sa mga siyentista, dumadanas ang mga apektadong bahagi ng Great Barrier Reef ng pinakamatinding pagkamatay ng bahura sa nakalipas na 15 taon.
Ang mga bahura sa paligid ng Lizard Island sa labas ng siyudad ng Cairns ay dumadanas ng pinakamatindi at pinakamalawak na coral bleaching, umaabot sa 80 porsiyento ng bahura nito ay namutla na sa pagkabilad sa napakatinding sikat ng araw, sinabi ni Dr. Anne Hoggett, director ng Lizard Island Research Station, sa Reuters.
“Bleaching is a clear signal that living corals are under physiological stress. If that stress is bad enough for long enough, the corals can die,” paliwanag naman ni Dr. Russell Reichelt, chairman ng Great Barrier Reef Marine Park Authority.
“What happens now will be entirely dependent on local weather conditions,” dagdag ni Reichelt.
Sinabi ng mga siyentista na kailangan ng Great Barrier Reef ang pansamantalang pamamahinga mula sa kondisyon ng El Niño, kahit na ilang linggo lang, upang matiyak lang na maisasalba ang mga lugar ng bahura.
Sa huling forecast ng Australian Bureau of Meteorology, nanawagan ito ng pagpapatuloy ng kondisyon ng El Niño.
Ang taon na ito ang magiging pinakamainit sa kasaysayan, at mas magiging mainit pa ang 2016 dahil sa El Niño, ayon sa World Meteorological Organization.
Ang Great Barrier Reef ay may 2,000 kilometro (1,200 milya) sa hilaga-silangang dalampasigan ng Australia at ang pinakamalaking buhay na ecosystem sa mundo. Humahakot din ito ng bilyun-bilyong dolyar kada taon sa larangan ng turismo.
Mayo ng nakaraang taon nang nabigo ang World Heritage Committee ng UNESCO na maibilang ang Great Barrier Reef sa listahan nito ng “in danger”, ngunit nagbunsod ito ng pangmatagalang pangamba tungkol sa kasasapitan nito dahil na rin sa climate change. (Reuters)