NAGBAKASYON na ang Kongreso noong Pebrero 3, ang huling araw ng trabaho nito bago ang mahabang bakasyon kaugnay ng eleksiyon. Sa Mayo 23 na ito muling maghaharap, sa pagka-canvass ng mga boto para sa presidente at bise presidente. Napakaraming mahahalagang panukala ang hindi naipasa dahil sa iba’t ibang dahilan. Marahil ang pinakakritikal sa mga ito ay ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ang BBL sana ang magiging pangunahing pamana ng administrasyong Aquino. Matutuldukan na sana nito ang ilang dekada ng paglalaban sa Mindanao sa pamumuno ng isang autonomous regional government na may mas malaking kapangyarihan kaysa umiiral na Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), o ng alinmang lokal na pamahalaan sa bansa.
Pagkakalooban ito ng kapangyarihang para sa ilang dalubhasa sa batas ay labag sa konstitusyon, kabilang na ang ilan mula sa Senado. Ngunit naniniwala ang iba na maaari pang maisalba ang sitwasyon sa pagbabago sa ilang bahagi ng panukala upang makaagapay sa mga probisyon ng Konstitusyon.
Ito sana ang Plan B para isalba ang BBL—himukin ang magkabilang panig na muling magharap para ihanda ang isang bago at mas pinabuting panukala. Ngunit mistulang walang gustong magbigay-daan. Nais ng Pangulo na aprubahan ng Kongreso ang BBL sa orihinal na bersiyon nito. Ito rin ang hangad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Lumikha naman ang Senado ng bago—at ibang-iba—na bersiyon ng panukala. Para naman sa Kamara de Representantes, umiwas na lang ang mga kongresista upang hindi magkaroon ng quorum sa petsang itinakda ang botohan sa BBL.
Noong Pebrero 20 ay sinalakay ng mga armadong lalaki ang isang military outpost sa Barangay Bayabao sa Butig, Lanao del Sur. Kinilala ng militar ang grupong umatake bilang ang lokal na sangay ng Khalifah Islamiyah Movement, na nauugnay sa Abu Sayyaf at sa Southeast Asian regional network na Jemaah Islamiyah, na inilarawan ng sandatahan bilang isang grupong terorista. Ang interesante rito ay nang ihayag ng MILF na ang mga sumalakay ay hindi terorista, kung kalalakihang dismayado sa kinahinatnan ng prosesong pangkapayapaan sa kamay ng gobyerno.
Batay sa ulat nitong Pebrero 28, sinabi ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na 24 ang nakumpirmang nasawi sa hanay ng kaaway, bukod pa sa limang sundalo. Sa naunang ulat, tinukoy ang pahayag ng isang brigade commander na nagsabing 61 mula sa grupong terorista ang napatay sa paglalaban.
Mahirap na tukuyin ang aktuwal na bilang ng mga taong napatay at kung ilan ang nasugatan sa mga sagupaan sa kabundukan ng Mindanao. Ang tanging natitiyak ay ang muling pagsiklab ng labanan, dahil sa pag-atake ng isang bagong grupo—hindi ang MILF na nagsabi nang patuloy itong tumatalima sa kasunduan nito sa gobyerno, kundi mula sa ibang grupo. Mistulang may laging bagong grupo na sumusulpot.
At ngayong hindi na umuusad ang Plan A—ang BBL—at ang dapat sana ay Plan B—isang bagong bersiyon ng BBL—kailangang maging handa ang militar sa pinaka-hindi inaasahan. Ang pag-atake sa Barangay Bayabao ay posibleng masundan pa ng mga paglalaban sa iba’t ibang panig ng Mindanao.
Subalit hindi dapat na mapigilan nito ang iba pang opisyal ng gobyerno sa patuloy na paghahanap ng paraan para magkaroon ng kompromiso at kasunduan na inaasam ng lahat na mauuwi sa kapayapaang matagal nang inulila ang Mindanao.