Matagumpay na naidepensa ng tubong Zamboanga del Sur na si Randy Braga ang Philippine featherweight title matapos talunin sa kumbinsidong 12-round unanimous decision ang beteranong si dating RP super flyweight ruler Danilo Peña kamakailan, sa Elorde Sports Complex sa Parañaque City.
Hindi nakaporma ang 34-anyos at tubong Albay na si Peña sa boksingerong binansagang “Master” dahil sa magagandang kombinasyon nito.
Natamo ng 28-anyos na si Braga ang bakanteng Philippine 126 pounds title nang palasapin ng unang pagkatalo si Neil John Tabanao noong Hulyo 12, 2015.
Bago nito, natalo siya sa 12-round split decision kay world rated Macbute Sinyabi sa kanilang sagupaan para sa bakanteng IBO Inter-Continental featherweight crown noong Abril 24, 2015, sa East London, South Africa.
Umaasa si Braga na mapapalaban sa OPBF title fight sa kanyang susunod na laban dahil gusto niyang makapasok sa world ranking para magkaroon ng pagkakataon sa kampeonatong pandaigdig
Napaganda ng kaliweteng si Braga ang kanyang karta sa 18-1-1, kabilang ang apat na TKO, samantalang inaasahang magreretiro na si Peña na bumagsak ang rekord sa 27-23-4.
Sa undercard ng laban, tinalo ni IBF No. 10 light fyweight contender Rene Patilano si Jopher Marayan sa 8-round unanimous decision. (Gilbert Espeña)