MATAPANG si Sen. Bongbong Marcos sa kanyang paninindigan na wala siyang dapat ihingi ng tawad para sa kanyang ama na si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos. Kung tama o mali raw ang kanyang ama sa pagpapairal nito ng martial law sa bansa, hayaan na lang ang kasaysayan ang magpasya.

Humuhugot ng lakas ng loob ang senador, na ngayon ay kandidato sa pagka-bise presidente, sa mga nagsasabi na maganda ang naging resulta ng batas militar.

Isinilang ako noong panahon na sinakop ng Hapon ang ating bansa. Kung ano ang nangyari sa panahong iyon sa ating bansa at mga mamamayan, hindi ko alam. Pero ang kasaysayan ang nagturo sa akin kung ano ang naganap. Kung ano naman ang nangyari sa ating mamamayan nang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang martial law, alam ko sapagkat nasa wastong gulang na ako. Katunayan, isa ako sa biktima nito. Nais ni Sen. Bongbong Marcos na ipaubaya sa kasaysayan ang ginawa ng kanyang ama.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Batay sa aking naranasan, kung ano ang ipinakilala sa akin ng kasaysayan ukol sa uri ng pananakop ng Hapon sa atin, ganito rin ang ipakikita ng kasaysayan ang martial law sa mga susunod na henerasyon. Malupit at ganid. Ang pagkakaiba lang ng martial law ay Pilipino ang gumawa nito sa kanyang kapwa.

Malakas ang loob ni Sen. Bongbong Marcos na sumandig sa kasaysayan sa paghusga sa ginawa ng ama dahil may mga nagsasabi, lalo na iyong mga nakinabang sa martial law, na mas maganda pa ang naging kalagayan ng bansa sa nasabing panahon. Maraming proyektong nagawa si dating Pangulong Marcos na pinakikinabangan ngayon ng sambayanan. Bakit nga ba hindi, eh, sa ayaw niya’t sa gusto, isa sa mga paraan ito para mapanatili ang kanyang puwersa sa pagtangan sa kapangyarihang inagaw niya sa mamamayan. Isa pa, malaya niyang gawin ang mga ito sa napakahabang panahon nang hindi nagdaraan sa mga proseso ng batas para sa proteksiyon ng kaban ng bayan.

Nag-iwan si Pangulong Marcos ng napakapangit na halimbawa ng pamamahala na ginaya ng mga sumunod sa kanya. Minana nila ang paggamit ng kapangyarihan ng gobyerno para sa katiwalian. Ang kanyang programa ukol sa katiwalian ay pinakikinabangan ng mga humalili sa kanya. Anu pa’t ang gobyerno ay pinatakbo na parang si Pangulong Marcos pa rin ang may tangan ng renda ng gobyerno. Bakit hindi magmamalaki si Sen. Bongbong Marcos sa kabila ng kalupitan ng martial law at katiwaliang malayang nagagawa sa ilalim nito? (RIC VALMONTE)