MAHIGIT 500 kaso ang nakabimbin ngayon sa Department of Justice (DoJ). Nangangahulugan na ang mga ito ay hindi pa naisasampa sa husgado dahil marahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya; maaari rin namang dahil sa kabagalan ng mga imbestigador.

Mismong mga senador ang mistulang nagpahiwatig ng kawalan ng kasiyahan sa pagtupad ng tungkulin ng pamunuan ng DoJ, lalo na ng mga nagsagawa ng public hearing hinggil sa talamak na rice smuggling. Pinangalanan na ang mga smuggler subalit ang mga ito ay hindi pa inihahabla sa mga hukuman.

Napatunayan sa naturang mga pagdinig sa Senado na talagang nakalugmok ang bansa sa walang pakundangang pagpupuslit ng bigas. Mismong ahensiya ng United Nations (UN) ang nagpatunay nito, bagama’t paulit-ulit itong itinatanggi ng National Food Authority (NFA), isang pahayag na ipinanggagalaiti naman ng Senate Committee on Agriculture (SCA).

Lumilitaw na pinaglalaruan at tinatawanan ng mga smugglers ang anti-smuggling law.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maging ang paglilitis sa karumal-dumal na Maguindanao massacre ay wala pang nararating. Mailap pa ang hustisya sa 56 na biktima ng nakakikilabot na pagpaslang na kinabibilangan ng ating mga kapatid sa media. Hindi pa nadadakip ang lahat ng suspect, samantalang ang ibang akusado ay pinalaya pa sa pamamagitan ng piyansa. Patuloy na nadadagdagan ang mga journalist na walang habas na pinapatay; nakalulungkot na ang mga salarin ay patuloy ring nakalulusot sa mga alagad ng batas.

Pati ang sinasabing mga kasangkot sa bilyun-bilyong pisong anomalya ay hindi man lamang iniusig ng DoJ at ng iba pang ahensiya ng gobyerno. May mga akusado na ipiniit kahit na wala pang pasya sa kanilang mga asunto, lalo na ng mga kaalyado ng administrasyon. Dahil dito, nagkakatotoo ang nakadidismayang selective justice.

Hindi rin umusad ang katarungan sa mga biktima ng SAF 44. Halos hindi masalang ng mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Dahil sa hindi pag-usad ng katarungan, ang mga biktima ay patuloy na nagbibiling-baligtad sa kani-kanilang mga libingan. Ito kaya ang pamana ng mamamaalam na administrasyon? (CELO LAGMAY)