SA political history ng iniibig nating Pilipinas, isang bago at masasabing mahalagang pangyayari ang nadagdag sa kasaysayan sa panahon ng kampanya. At sa unang pagkakataon, ang limang kandidato sa pagkapangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo ay nagharap-harap at nagdebate. Naganap ito sa PiliPinas Debates 2016 nitong Pebrero 21, 2016, sa Capital University sa Cagayan de Oro City. Ang limang presidentiable na nais tumigil sa Malacañang bago pa nagsimula ang election period ay nagpatutsadahan. Ang PiliPinas Debates 2016 ay magkatuwang na inorganisa ng GMA 7 at Philippine Daily Inquirer at sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections (Comelec).
Ang mga presidentiable na lumahok sa PiliPinas Debates ay sina Vice President Jojo Binay, ng United Nationalist Alliance (UNA); Sen. Grace Poe, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ng PDP-Laban; dating DILG Secretary Mar Roxas, ng Daang Matuwid Coalition; at Senador Miriam Defensor Santiago. Sa kanilang opening statement, bawat isa sa kanila ay ipinaliwanag kung bakit gusto nilang maging pangulo ng Pilipinas.
Nang tanungin si Vice President Binay kung paano siya nagkaroon ng kayamanan at mga lupain habang siya’y naglilingkod sa pamahalaan, diretsahan niyang sinagot na ang kanyang yaman ay pamana ng kanyang mga magulang at ang iba’y binili niya.
Nagpaliwanag naman si Sen. Miriam Defensor Santiago nang tanungin siya kung bakit siya kumandidatong pangulo kahit na siya’y may sakit. Nilinaw niya na karapatan niya ang kumandidato sapagkat walang probisyon sa ating Konstitusyon na nagbabawal na kumandidato ang isang may sakit.
Ayon naman kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte, kapag siya ang nahalal na pangulo ng bansa, sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay papatayin niya ang mga kriminal at ang mga sangkot sa droga nang naaayon sa batas.
Hindi naiwasan sa debate ang magpatutsada nang sabihin ni dating DILG Secretary Mar Roxas na ang pagiging pangulo ay hindi isang on-the-job training (OJT). Kailangan ang malawak na karanasan para maging pangulo ng bansa. Agad namang sumagot si Sen. Grace Poe na hindi sukatan ang malawak na karanasan para maging pangulo ng bansa.
Sinabi pa ni Sen. Poe na kapag siya’y naging pangulo, daragdagan niya ang budget ng Mindanao at aayusin ang problema sa kuryente. (CLEMEN BAUTISTA)