BINABATI ko ang Commission on Elections (Comelec) at mga media sa pagsasagawa ng serye ng debate sa pagitan ng mga kandidato sa pagkapresidente, na ang una ay isinagawa sa Cagayan de Oro noong nakaraang Linggo.

Sa kabila ng ilang pagkukulang, naniniwala ako na malaki ang nagawa ng Comelec para sa kapakanan ng mga botante.

Isa sa mga napuna ko ay ang hindi pagtalakay sa papel ng negosyo sa pagpapaunlad sa bayan. May mga tanong ukol sa kahirapan, agrikultura, kaunlaran ng kanayunan at Mindanao, ngunit walang malawak na pagtalakay sa mahalagang papel ng negosyo sa mga isyung ito.

Gayunman, ang ganitong mga debate ay makatutulong sa pagpili ng pinaka-kuwalipikado sa pinakamataas na pinuno sa pamahalaan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sino nga ba ang pinaka-kuwalipikado upang pamunuan ang bansa? Simpleng tanong, ngunit medyo kumplikado ang sagot.

Kinagawian na nating timbangin ang kuwalipikasyon ng mga kandidato batay sa kanilang karanasan, plataporma sa pamahalaan at kuwalipikasyon gaya ng edukasyon at mga nagawa.

May iba pa ring pinagbabatayan gaya ng “dapat madali siyang lapitan”, “malapit ang puso sa mahihirap” or “mapagkakatiwalaan.”

Naniniwala ako na mahalaga ang karanasan sa pamahalaan. Simple ang dahilan: ang isang mamumuno sa bansa ay dapat komportable sa pagharap sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Dapat nating tandaan na ang pangulo ay siya ring pinuno ng Sandatahang Lakas. Siya rin ang pangunahing ehekutibo sa ibabaw ng higanteng bureaucracy. Bilang pangulo, kailangan niyang makipag-ugnay sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sa unang araw pa lamang ng kanyang termino, dapat handa na ang bagong pangulo na gampanan ang mga papel na ito.

May mga nagsasabing mahalagang alamain ang mga nagawa ng mga kandidato sa pagkapangulo, kasama na ang antas ng pinag-aralan.

Tungkulin ng mga botante na suriin ang mga plataporma ng mga kandidato at ang kanilang mga pangako, batay sa kanilang karanasan at kuwalipikasyon.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)