Itinanggi ng Malacañang na gagastos nang malaki ang gobyerno para sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Huwebes.

Ito ay sa harap ng mga espekulasyon na milyun-milyong piso ang gagastusin ng administrasyong Aquino para sa taunang paggunita sa payapang rebolusyon na nagpatalsik sa diktaduryang Marcos at nagluklok sa puwesto bilang unang babaeng pangulo ng bansa kay Corazon Aquino, na ina ni Pangulong Noynoy.

Bagamat hindi binanggit ang budget para sa selebrasyon, sinabi ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Undersecretary Manuel Quezon III na hindi magiging magastos ang okasyon.

“I would think budget would be as low as possible for an event of this importance,” sabi ni Quezon. “Hindi ko alam paano masasabing lavish dahil simple lang naman ang programa.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Kung may gastos man sila, it’s for a very important reason which would be the experiential museum,” dagdag pa ni Quezon.

Ayon kay Quezon, handa na ang programa para sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power, na sisimulan ng 7:30 ng umaga sa isang flag-raising ceremony, pananalangin at awarding ceremony. Itatampok din ang tradisyunal na Salubungan, at magtatalumpati si Pangulong Aquino bago sisimulan ng mga panauhin ang paglilibot sa experiential museum sa Camp Aguinaldo.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista kaugnay ng inaasahang matinding trapiko sa paligid ng People Power Monument sa panulukan ng EDSA at White Plains Avenue sa Huwebes.

Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, 13 oras—simula 12:01 ng umaga hanggang 1:00 ng hapon—isasara ang northbound ng EDSA, mula sa Ortigas hanggang sa Santolan Avenue.

Isasara rin ang White Plains Avenue westbound sa mga nabanggit na oras, kaya ang mga apektadong motorista ay pinapayuhang dumaan sa Kamias Road, Aurora Blvd, P. Tuazon, Boni Serrano/Santolan, Ortigas, at C5 bilang mga alternatibong ruta.

Ipatutupad din ng MMDA ang zipper lane sa harap ng SM Megamall sa Mandaluyong hanggang sa Santolan, ayon kay Carlos.

(Madel Sabater-Namit at Anna Liza Villas-Alavaren)