DIREK TONET AT DIREK DAN copy

NAGULAT kami nang bumungad sa presscon para sa JaDine Love concert at para na rin sa nalalapit na pagwawakas ng On The Wings of Love sa isa sa direktor ng top-rating serye na si Ms. Antoinette Jadaone dahil naka-dress at naka-stilleto kaya mas lalo pa siyang gumanda.

Nasanay kasi kami kay Direk Tonet na naka-shorts, medyo maluwag na blouse, at flat shoes lang at may dalang malaking bag. Nakausap namin siya bago humarap sa presscon kasama sina James Reid, Nadine Lustre at Direk Jojo Saguin.

Nagbabagong-bihis na ba si Direk Tonet dahil ‘The Tonet Jadaone’ na siya?

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Hindi,” natawang sagot niya, “sa pictorial kasi namin ang baba ko, lahat pantay, ako ‘yung pinakamaliit, so nagganito para makita sa picture. Naku, puyat nga, tatlong araw na akong walang tulog, puro in between, two hours or three hours lang.”

Ganu’n, puyat pa siya sa lagay na ‘yon? E, di lalo na kung kumpleto pa sa tulog, biro ulit namin kay Direk Tonet.

“Naka-make up lang kaya hindi halata, ha-ha-ha-ha!”

Ilang araw nang walang tulog si Direk Tonet dahil nagbabantay siya sa shooting ng Always Be My Maybe na idinidirehe ng kanyang boyfriend na si Dan Villegas.

“Kasi pumupunta rin ako sa set ni Dan after, may pelikula siya, eh, ‘yung kina Arci (Muñoz) at Gerald (Anderson), pagka-pack up ko ng maaga (sa OTWOL), du’n ako dumidiretso.”

Parte ba siya sa pelikula nina Gerald at Arci?

“Wala, gusto ko lang nasa film set lang or nakiki-edit. Gusto ko lang nandoon, nanonood lang,” katwiran ni direk Tonet.

Hmmm, nagbabantay siguro si Direk Tonet kay Direk Dan kasi ang sexy ni Arci?

“Ha-ha-ha, hindi! Gusto ko lang,” humalakhak na sagot ng dalagang direktora.

O baka iyon na lang din ang bonding time nina Direk Dan at Tonet kasi nga pareho silang busy.

Maganda ba ang Always Be My Maybe?

“Sobra,” mabilis na sagot sa amin.

Mas maganda pa sa #Walang Forever?

“Magkaiba kasi sila ng flavor, Forever kasi madrama, ito nakakatawa talaga siya, si Arci nakakatawa, si Gerald din, nakakatawa,” kuwento ni Direk Tonet.

Mas maganda pa sa English Only, Please?

“Hmmm,” sabing napaisip, “parang… kasi ‘yung English Only, rom-com siya. Ito mas maraming comedy, ‘tapos sexy siya pa, may mga love scene, so ‘yun, iba’t iba, nakakatuwa.” (REGGEE BONOAN)