NAGPAHAYAG ng pangamba ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa patuloy na militarization ng China sa West Philippine Sea (WPS) sa US-ASEAN Summit na ginanap sa Sunnylands, Rancho Mirage, California. Si US President Barack Obama ang tumayong host sa pagpupulong.
Sa grupo ng mga bansa sa Asean, lumilitaw na parang ang Laos at Cambodia ay makiling sa China dahil sa malaking tulong sa kanilang ekonomiya at kalakal ng dambuhalang nasyon ni Chinese President Xi Jinping. Sa kabila nito, binati ni Obama ang 10 lider ng Asean dahil sa kanilang ugnayan sa ekonomiya sa pamamagitan ng Asean integration.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng seguridad sa rehiyon (WPS) na isang pitik sa pambu-bully ng China sa small-claimant countries, tulad ng Pilipinas, Vietnam at Brunei, na pawang may mga claim sa karagatang halos inaangking lahat ng China. Maging ang India na hindi naman kasapi ng Asean ay naggigiit na dapat resolbahin ang gusot sa WPS sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na ang China ay signatory dito.
Ginawa ni Secretary Anil Wadhwa, India’s Ministry of External Affairs, ang pahayag kaugnay ng Delhi VIII forum na idaraos sa Pebrero 19-20, na ang layunin ay talakayin ang politico-security, economic at social-cultural issue sa pagitan ng Asean at India. Sa ngayon, lumilitaw na tanging China lamang ang may ayaw sumunod sa UNCLOS gayong kasama itong lumagda sa kasunduan.
Muling ipagdiriwang ang EDSA People Power Revolution na nangyari noong Pebrero 22-25, 1986, may 30 taon ang nakalilipas. Saksi ako sa mapayapang rebolusyong ito na nagpabagsak sa isang Pilipinong diktador na sumikil sa kalayaan at demokrasya sa bansa. Ako ang reporter na nakatalaga noon sa Ministry of National Defense (hindi pa Department) at military establishments kasama ang mga beterano at sikat na mamamahayag na sina Jose de Vera ng Manila Bulletin, Alex Allan ng Philippine Daily Express (defunct), Cecilio Arrilo ng Times Journal (defunct), Arnold Atadero ng Evening Post, Sel Baysa ng Radyo ng Bayan. Ako man ay isang baguhang reporter noon.
Ginaya ang EDSA People Revolution ng ibang bansa, gaya ng pag-aalsa sa ibang bansa na nakakuha ng inspirasyon sa mga Pilipino. Gayunman, parang matamlay ang selebrasyon ng EDSA 1 ngayon dahil sa nangyayaring kapalpakan na kagagawan ng mga lider ng ating bansa. Sabi nga ni JPE: “Edsa One has evaporated”. Wala na nga ba itong halaga?
(BERT DE GUZMAN)