Inabo ng isang malaking sunog ang mahigit 200 bahay sa Cagayan de Oro City, kaya naman nasa 932 katao o 247 pamilya ang nawalan ng tirahan nitong Linggo, Valentine’s Day.

Anim na katao—kabilang sina Mubarak Sumbaraan at Lemuel Baya-on—ang nasugatan sa sunog sa Sitio Pinikitan sa Barangay Camaman-an sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.

Nagsimula ang sunog dakong 10:00 ng umaga, at hinihinalang sanhi nito ang paglalaro ng lighter ng mga bata. Dakong 2:00 ng hapon na nang tuluyan itong naapula.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), gawa sa light materials ang mga bahay kaya mabilis na natupok ang mga ito.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Inihayag ng mga imbestigador ng BFP na may kabuuang 278 bahay ang naabo, habang 14 naman ang bahagyang nasunog.

Pansamantalang nakatuloy ngayon sa iba’t ibang barangay center at mga covered court ang mga nasunugan, habang inaayudahan naman sila ng pamahalaang lungsod. (Camcer Ordoñez Imam at Fer Taboy)