Ni JIMI ESCALA
ANG sexy ni Aiko Melendez nang makita at makausap namin sa “Bilbiling Mandaluyong,” ang patimpalak ng malulusog na kababaihan na isa sa mga proyekto ng first lady ng Mandaluyong at ngayon ay tatakbong mayor ng siyudad kapalit ng three termer na incumbent na si Mayor Benhur Abalos.
Isa sa celebrity judges ng nasabing “beauty contest” si Aiko at kasama niya si Mommy Elsie na hindi yata tumatanda, huh!
“Sobrang nakaaaliw ng mga kandidata ng Bilbiling Mandaluyong,” kuwento ni Aikikay. “First time ko to judge sa ganitong beauty contest, ang ganda at talagang nag-enjoy ako nang husto.”
Aminado si Aiko na halos umabot din ang timbang niya sa bigat ng mga kandidata ng nasabing patimpalak.
“Ginagawa ko para sa sarili ko kasi noon, di pa ako nag-exercise, madali akong hingalin at pagod agad. Ngayon mahigit sa 40 pounds na ang nawala sa akin, pakiramdam ko, eh, gumaan ako at mas active, kaya heto, feeling sexy,” napatawang banggit ni Aikikay.
Nakakatulong din ang sunud-sunod na trabaho sa pagpapayat niya ngayon. Balik teleserye si Aiko dahil kasama siya sa The Story of Us na pinagbibidahan nina Kim Chiu at Xian Lim.
Na-miss niyang mapasama sa isang teleserye.
Ayon naman kay Mommy Elsie, ang super ma-PR na mommy ni Aiko, malapit na siyang maging aktibo ulit sa pagsama-sama sa shooting at taping pero hindi na raw sa anak niya kundi sa apong si Andrei Yllana na alaga na ngayon ng Star Magic.
“Hindi ako ang magiging stage nanay kundi si Mommy ang magiging stage lola,” napatawang sabi ni Aiko.
Very proud si Aiko sa kanyang panganay dahil alam daw nito ang halaga ng trabaho bilang artista.
“Biro mo, sinabihan niya agad ako na ‘wag raw akong manood kapag may workshop siya,” napatawang kuwento ni Aiko.
Samantala, punumpuno ang venue at dinumog ng mga taga-Mandaluyong ang “Bilbiling Mandaluyong” at personal na inasikaso ang lahat ni Madam Menchie Abalos. “Hindi naman namin pino-promote ang pagiging mataba kundi gusto naming ipabatid sa kanilang lahat na ang mananalong top five sa contest na ito, eh, tutulungan naming pumayat at malay n’yo sa susunod na mga taon, eh, pwede na silang maging kandidata ng Miss Mandaluyong o di kaya sa Binibining Pilipinas,” wika ng first lady ng Mandaluyong.