Handa nang kumasa si Pinoy boxer Jerwin “Pretty Boy” Ancajas kay IBF super flyweight champion McJoe Arroyo ng Puerto Rico sa Pebrero 20 sa Estados Unidos.
Ngunit, sa ulat ng BoxRec.com, ang sagupaan nina Ancajas at Arroyo ay posibleng maiatras depende sa desisyon ng Sampson Boxing na nakakuha ng karapatan para i-promote ang kampeonato hanggang sa Mayo 2, 2016.
“A purse bid procedure was held in the IBF offices in New Jersey and promoter Sampson Lewkowicz of Sampson Boxing has won the right to promote the IBF super flyweight champion McJoe Arroyo’s first mandatory defense, against Jerwin Ancajas with a winning bid of $25,000,” ayon sa ulat na nailathala sa Philboxing.com
Sinabi ni Ancajas na pipilitin niyang magwagi laban kay Arroyo dahil matagal na niyang pangarap na makapagbigay ng karangalan sa Pilipinas.
“Masaya ako at excited ngayon kasi matagal ko nang pangarap na makalaban sa isang world title bout,” sabi ni Ancajas, lumalaban para sa MP Boxing Gym sa Davao City.
Ayon naman sa kanyang manager na si Joven Jimenez, nais ni international boxing promoter Sampson Lewkowicz na isagawa ang duwelo sa Pilipinas.
“Baka sa Maynila ang laban at mas maaga ito gaganapin,” pahayag ni Jimenez sa PhilBoxing.com.
Nasungkit ni Arroyo ang bakanteng IBF super flyweight belt nang talunin sa kontrobersiyal na 10th round technical decision si Arthur Villanueva ng Pilipinas noong Hulyo 18, 2015 sa El Paso, Texas.
Binubugbog na ni Villanueva si Arroyo nang biglang itigil ni Puerto Rican referee Rafael Ramos ang laban sa 10th round sanhi nang malalim na sugat sa kanang kilay ng Pinoy boxer.
Maraming boxing analyst na nanood ng kampeonato sa Don Haskins Convention Center ang nagsabi na kung natuloy pa ang laban ay baka napatulog ni Villanueva si Arroyo na matamlay na sa mga sandaling iyon.
May rekord si Arroyo na perpektong 17 panalo, 8 sa pamamagitan ng knockouts samantalang si Ancajas na kasalukuyang IBF Pan Pacific super flyweight titlist ay may rekord na 24-1-1, kabilang ang 16 na knockouts. (Gilbert Espeña)