Sakali man na ituloy ni Manny Pacquiao ang kanyang boxing career matapos ang laban kay Tim Bradley, malabo umano na magkaroon pa ito ng return encounter kay one-time tormentor Juan Manuel Marquez.
Ayon sa pamosong trainer na si Freddie Roach, hindi dapat paniwalaan ang mga balitang nais pa rin na bigyan ni Marquez si Pacquiao ng pagkakataon na maiganti ang 6th round knockout loss na natamo noong December 2012.
Iginiit ni Roach na mas gusto ni Marquez na mapanatili ang kaniyang knockout win kay Pacquiao hanggang sa tuluyang magretiro sa boxing.
Sa katunayan, mas maugong pa umano ang plano ni Marquez na hamunin si dating four-division world champion Miguel Cotto ng Puerto Rico.
“I don’t blame him. He won’t fight Manny for sure. Last I heard he wants to fight (Miguel) Cotto but he won’t talk about a Pacquiao fight because he likes the way their last fight ended. It’s a perfect ending for him,” ani Roach.
Samantala walang plano si Roach na sumabay kay Pacquiao pagdating sa pagreretiro nito sa boxing.
Aminado man si Roach na binabagabag siya ng kanyang back injury, napapaligiran naman siya ng magagaling na assistant sa kaniyang pamosong Wild Card Gym sa Hollywood.
Isa sa mga pinagkakatiwalaan ni Roach ay si Filipino trainer Marvin Somodio.
“I’m a bit sore with my back but It’s OK. I’ve been watching my guys from the outside and I have guys who are there looking and correcting their mistakes so it’s not the end of the world for me,” pahayag ni Roach.
Nakatakdang dumating si Roach ngayong Sabado para pamunuan ang training camp ni Pacquiao na sasabak naman kontra Bradley sa isang 12-round WBO Welterweight title fight ngayong April 9 sa Las Vegas, Nevada. (Dennis Principe)