Apat na pinaghihinalaang miyembro ng isang robbery-carnapping syndicate, na ang target ay mga taxi driver, ang naaresto ng Highway Patrol Group-Cavite sa operasyon sa Barangay Mambugan, Antipolo City, Rizal.
Kinilala ni Chief Insp. Jephte Bandera ang mga suspek na sina Carlos Abule, 39; Jun Balesco, 26, kapwa residente ng B22, Floodway, Taytay, Rizal; Michael Salvador, 34, ng Kalaw Street, Bgy. Bahayang Pag-asa; Ely Quintero, 53, ng Ledesma St., Woodsite 2, Pasong Buaya, Imus City, Cavite.
Nadakip ang mga suspek sa operasyon ng awtoridad makaraang tangayin ng mga ito ang isang Toyota Vios taxi (WOF-949) noong Pebrero 8, sa harap ng isang gasolinahan sa Sumulong Highway sa Bgy. Mambugan, Antipolo City.
Agad na natukoy ng pulisya ang kinaroroonan ng nasabing taxi dahil sa Global Positioning System (GPS) na nakakabit sa naturang sasakyan sa Bgy. Pasong Buaya.
Naispatan ng HPG Mobile Patrol 419-A ang naturang sasakyan habang minamaneho ng isa sa mga suspek subalit sa halip na tumigil ay pinaharurot pa ng driver na suspek na si Jun Balesco ang ninakaw na taxi.
Umabot ang habulan ng dalawang grupo hanggang sa masukol na ang mga suspek sa Recto at Kalantiaw Street.
Positibo ring kinilala ng biktima at driver ng taxi na si Jay Gurrea, ng Novaliches, Quezon, City, ang mga suspek na siyang tumangay ng kanyang taxi at sa kanyang kinita.
Sinampahan na ng pulisya ng kasong carnapping at illegal possession of deadly weapon ang mga suspek. (Beth Camia)