Bihira sa mga dating PBA player ang nananatiling nakabigkis sa basketball matapos magretiro. Isa si Gerry Esplana na masasabing hindi tinalikuran ang sports na nagbigay sa kanyang nang magandang kabuhayan.
Inilunsad ng tinaguriang ‘Mr. Cool’ sa pro league, ang I-Swak Mo 3-on-3 Basketball Challenge na gaganapin sa Marso sa iba’t ibang barangay sa Valenzuela City.
Ayon kay Esplana, layunin ng naturang torneo na makatuklas ng mga mahuhusay na manlalaro na puwedeng sanayin para maging iskolar sa basketball.
Suportado ang programa ni Esplana ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na ayon kay Esplana ay isang paraan para maibahagi sa mas maraming kabataan, higit yaong mga out-of-school ang buting maidudulot ng sports sa kanilang pagkatao at pagbabago sa buhay.
“Kinausap nila ako para tulungn sila sa kanilang sports program. Hindi ako nagatubili at tinulungan ko sila dahil mahal ko ang basketball,” sambit ni Esplana.
Tinatawagan ni Esplana ang mga mahihilig sa basketball makipag-ugnayan sa kanilang barangay para makasali sa nasabing 3-on-3 basketball.
“Sa basketball ako nakilala at nagkapangalan sa loob at labas ng bansa. Kaya naman sinusuklian ko ang mga mabuting nagawa ng basketball sa akin sa pamagitan ng mga proyekto sa basketball para makatulong sa mga kabataan mahihilig sa basketball,” aniya.
Naglaro si Esplana 14 seasons sa PBA at naging Rookie of the Year noong 1990 at MVP noong 1998. Kasama rin siya sa PBA All Stars sa apat na pagkakataon. Naging pambato ng San Beda sa NCAA at isa sandigan ng Philippine Team noong 1989 Southeast Asian Games sa Malaysia.