HOUSTON(ap) — Hataw si James Harden sa 26 na puntos at pantayan ang career-high 14 assist para sandigan ang Rockets sa pagtuldok ng three-game skid sa pamamagitan ng 115-102 panalo kontra Miami Heat Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila).
Naitarak ng Houston ang double-digit na bentahe sa kabuuan ng second half at tangan ang 10 puntos na bentahe nang tampukan ni Josh Smith ang 7-2 run para hilahin ang bentahe ng Rockets sa 104-89, may limang minuto ang nalalabi sa laro.
Naglaro bilang starter ang 6-foot-9 forward na si Smith matapos masuspinde ng isang laro si center Dwight Howard bunsod nang pagtabig sa kamay ng referee, habang nagtamo ng injury si Clint Capela.
Kumana si Smith ng season-high 19 na puntos, ikalawang pagkakataon bilang starter ngayong season at kauna-unahan mula nang magbalik sa Houston bunsod ng trade sa Clippers noong Enero 22.
Nanguna si Luol Deng sa Heat sa natipang 17 puntos.
CELTS 97, KNICKS 89
Sa New York, ginapi ng Boston Celtics, sa pangunguna ni Isaiah Thomas na may 20 puntos at 8 assists, ang New York Knicks.
Nag-ambag ng tig-16 puntos sina Jae Crowder at Tyler Zeller, habang humugot sina reserve player Evan Turner ng 14 na puntos at 10 rebound at Kelly Olynyk na may 13 puntos para sa ika-limang panalo sa anim na laro ng Celtics.
Kumubra ng 16 na puntos at 14 na rebound si Carmelo Anthony para sa Knicks, habang tumipa si Robin Lopez ng 17 puntos at 13 rebounds.
RAPTORS 102, SUNS 97
Sa Phoenix, nagbagong anyo ang coaching staff ng Suns, ngunit hindi nabago ang kapalaran ng koponan.
Kumawala si Kyle Lowry sa depensa ng Suns para maitumpok ang 26 na puntos, tampok ang limang 3-pointer, habang umiskor si DeMar DeRozan ng 22 puntos para ibalik ang kumpiyansa ng Toronto Raptors.
Nadomina ng Raptors, naputol ang 11-game winning streak sa kabiguan sa Denver nitong Lunes, ang kabuuan ng laro para dugtungan ang losing skid ng Suns sa lima, sa pagkakataong ito sa ilalim ng bagong hirang na coach na si Earl Watson.
Nanguna si Markieff Morris na may 30 puntos at 11 rebounds, pawang season high, para sa Suns, sinibak si coach Jeff Hornacek nitong Lunes at ipinalit ang 36-anyos na si Watson bilang interim coach. Nag-ambag sa Phoenix si rookie Devin Booker ng 27 puntos.