ate-gay copy

Ang bongga ni Ate Gay dahil pagkatapos ng SM MOA Arena ay Smart Araneta Coliseum naman ang tatapakan niya.

Makakatapat ng Panahon ng May Tama: #ComiKilig ang concert nina Regine Velasquez, Martin Nievera, Angeline Quinto, at Erik Santos sa SM MOA Arena.

Kaya ang tanong kay Ate Gay, kinakabahan na ba sila?

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Wala naman, wala naman. Kasi, iba naman iyong show namin na Panahon ng May Tama. Iba iyong atake nila sa mga manonood. Siguro nasa amin ang, kung may AB silang crowd, I think sa amin ‘yung CDE… FGHIJKLMNOP, mga ganoon!”

tumawang sabi ng sikat na stand-up comedian.

“Ayon lang, wala. Ang aim naman namin ay magpasaya ng tao, kasi ganoon naman kami,” dagdag pa niya. “Pasabog!

Pasabog sa katatawanan. Kasi, bukod sa nakakatawa ito, ang gagaling ng mga kasama ko rito, pati sa kantahan.”

Ibang-iba rin daw ang show nila sa Araneta kumpara sa napapanood sa comedy bars.

“Hindi parang comedy bar na inilagay sa Araneta. Hindi ganoon. Hindi ganoon ang orientation ni Mamu (Andrew de Real). ‘Tsaka dito kasi, kami mismo ang maglalaitan. Hindi kami gagamit ng ibang tao para magpatawa,” klarong sabi ni Ate Gay.

Paano ang billing nila, e, puro sila sikat in their own field?

“Sabi ko nga, hindi ako ano sa billing. Maganda naman ‘yung pagkakalagay sa billing and sa show naman, equal participation naman kami,” safe na sagot ni Ate Gay.

May sitsit na si Ate Gay ang may pinakamataas na talent fee.

“Hindi ko alam, hindi ako nagtatanong, sa manager ko na lang iyon. Kung sino’ng pinakamataas diyan sa tarpaulin, iyon ang mas mataas ang talent fee,” tumatawang hirit ng komedyante.

Samantala, binanggit din niya na hindi porke’t nakilala siya bilang impersonator ni Ms. Nora Aunor ay iyon lang ang kaya niyang gawin.

“Ang secret kasi hindi ako nag-i-stay sa pagiging Nora Aunor. May iba akong way para maiba naman as Ate Gay. Like iyong mga mash-up at iba pang mga jokes. Kasi bilang isang comedian, sabi ko nga, dapat kung ano ang gusto ng manonood ay pagyamanin mo.

“’Tsaka ayaw kong mawala sa entabaldo kaya nag-aaral ako ng mga bago talaga. Never ko namang inokray si Nora, kaya love na love ako ng mga Noranian at lahat ng presidente ng fans club niya. Kaya rin siguro ako tumagal dito.”

Ginagaya na rin daw niya si Gov. Vilma Santos.

“Na-impersonate ko rin si Ate Vi, ano lang, dubsmash,” say ni Ate Gay.

Pero tiniyak niya na, “Noranian ako. Kasi nanay ko Noranian, eh. Saka ang ka-batch ko talaga, noong nagdalaga ako, ang sikat noon si Sharon (Cuneta), si Snooky (Serna), si Maricel (Soriano). Si Nora naman, nanay ko.”

Pangarap niyang makasama ang superstar sa pelikula at ituturing niya iyon na highlight ng career niya.

“Sabi ko nga noong napuno ko ang MOA Arena, guest ko si Nora Aunor. Hindi naman siya kumanta, appearance lang, kaya natuwa na ‘yung mga manonood. Magiging honored ako kapag makakasama ko siya sa movie at mas lalo ko pang gagalingan ang trabaho,” sabi ni Ate Gay. (Reggee Bonoan)