Kritikal ngayon ang kondisyon ng isang binatilyo makaraan siyang pagtulungang gulpihin at saksakin ng limang miyembro ng isang pamilya sa Caloocan City, nitong Sabado ng gabi.

Nakaratay sa Caloocan City Medical Center si Roming Naga, 17, ng No. 169 5th Avenue, Daang Bakal, Barangay 49, dahil sa mga bugbog sa katawan, palo ng kahoy sa ulo, at saksak sa katawan.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2, nadakip ang dalawa sa limang suspek na si Eduardo Lagumay, 21; at kapatid nitong si Erickson Lagumay, 19, habang ang ama nilang si Eduardo, Sr., at mga anak na sina Ofelia, 18; at isang 16-anyos ay pinaghahanap pa ng mga pulis.

Kuwento ni PCP 2 Commander, Chief Insp. Mark James Ballesteros, dakong 7:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa labas ng bahay ng biktima.

National

Procurement sa 'depektibong' bollards sa NAIA, paiimbestigahan ni PBBM

Nagsisigaw umano si Erickson na ‘tila ang pinariringgan ay si Naga kaya lumabas ng bahay ang huli at kinumpronta ang suspek hanggang nauwi ito sa mainitang diskusyon.

Sa tagpong iyon, lumabas ang ama at mga kapatid ni Erickson at pinagtulungang gulpihin at saksakin si Naga.

Nabatid na matagal nang may alitan sina Naga at Erickson.

Kasong frustrated murder ang kinakaharap na asunto ng mag-aama. (Orly L. Barcala)