Taliwas sa pahayag ng Department of Education (DepEd) na lagpas sa kanilang tinaya ang nakapagpatala sa Senior High School (SHS), sinabi ng League of Filipino Students na mayroon pang isang milyong estudyante ang hindi nakapagparehistro.

“There are about a million grade 10 students who are not yet registered to any senior high school in the country. Meaning, around a million students will be forced to drop out because of the K to 12 program,” wika ni Charisse Bañez, national chairperson.

Unang sinabi ng DepEd na mahigit 1.3 milyon ang nagpalista sa early registration program para sa incoming SHS students noong Oktubre 19-Nobyembre 13, 2015, lagpas sa 1.2 milyon nilang target.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa ahensiya, tatanggapin nila ang mga magpapatala sa SHS hanggang sa mismong araw ng pasukan sa Hunyo.

Sinabi ni Asec. Jesus Mateo na handang-handa na sila sa full implementation ng Kto12 at sa Abril ay manunumpa ang 40,000 guro para magturo sa apat na track (academic, tech-voc, arts and design at sports). Ipinabatid rin niya na patuloy ang kanilang pagtanggap ng letter of intent para sa mga nagnanais magturo sa SHS.

EARLY REGISTRATION

Kaugnay ito, opisyal na idineklara ng DepEd ang early registration period para sa school year (SY) 2016-17 simula ngayong Sabado, Enero 30, sa lahat ng public elementary at secondary school.

Naglabas si Education Secretary Armin Luistro ng department order na may petsang Enero 26 na itinatakda ang isang buwang early registration program simula Enero 30 hanggang Pebrero 29 sa layuning makamit ang partisipasyon ng lahat at patatagin ang pangako ng DepEd na “walang batang mapag-iiwanan sa edukasyon.”

Bukod sa pagtitiyak na ang lahat ng limang taong gulang na bata ay makapagpatala sa kindergarten, aabutin din ng early registration ang “last milers” -- ang mga ito ay ang mga batang out-of-school na nakatira sa malalayong lugar, nasa mahihirap na sitwasyon, bahagi ng disadvantaged groups, may kapansanan o mga nangangailangan ng espesyal na edukasyon at iba pa. (PNA) (MAC CABREROS)