Natupad ang hiling ni Gilas coach Tab Baldwin na hindi makasama sa grupo ang powerhouse Greece sa naganap na draw para sa tatlong Olympic Qualifying Tournaments na isasagawa sa tatlong napiling siyudad ng FIBA kabilang na ang Manila sa darating na Hulyo.
Ngunit hindi naman biro na makakasama nila sa grupo at nakatakdang makalaban sa pagbubukas ng torneo sa MOA Arena sa Pasay City ang World No. 5 France.
Matapos hatiin sa dalawang grupo ang mga koponang sasalang sa Manila qualifier, nakasama ng Gilas ang France sa kanilang bracket gayundin ang New Zealand habang napunta naman sa kabilang grupo ang Turkey Senegal at Canada.
Batay sa format ng magaganap na tatlong torneo, ang mga koponang magkakasama sa isang grupo ay maglalaban-laban sa isang single round robin kung saan ang mangungunang dalawang koponan ay uusad sa knockout semifinals.
Makakalaban ng Gilas ang France sa Hulyo 5 bago ang New Zealand sa Hulyo 6.
At kung papalarin ay sasabak sa knockout semifinals sa Hulyo 9 kung saan ang dalawang magwawaging koponan ang mag-aagawan para sa nakatayang slot sa Rio.
May magandang balita si French Basketball Federation director general Yann Barbitch nang sabihin nitong posibleng hindi makapaglaro para sa kanilang koponan sina NBA veterans Boris Diaw ng San Antonio at Nicolas Batum ng Charlotte dahil may kakaharapin ang mga itong negosasyon sa kani-kanilang mga kontrata sa NBA habang makakasama lamang si Tony Parker sa Manila kung wala itong iniindang karamdaman.
Ngunit kahit wala ang mga nabanggit na players, inaasahan naman ang paglalaro para sa koponan ng iba pang NBA veterans na sina Evan Fournier ng Orlando, Rudy Gobert ng Utah at Joffrey Lauvergne ng Denver.
Samantala, sinabi naman ni Canadian Basketball Federation president Michele O’Keefe na maglalaro pa ng ilang tune-up games ang kanilang national team sa Europe bago magtungo ng Manila.
Ngunit pinuproblema umano nila ang pagbubuo ng kanilang koponan na posibleng makumpleto dalawang linggo pa mula ngayon dahil nakadepende sila sa NBA players.
Kabilang sa mga NBA players na inaasahan nilang makakasama sa koponan ay sina 7-0 Kelly Olynyk ng Boston, 7-0 Robert Sacre ng Los Angeles Lakers, 6-8 Andrew Wiggins ng Minnesota, at 6-3 Cory Joseph ng Toronto.
Ayon naman kay Turkish Basketball Federation President Harun Erdenay, inaasahan nilang makakarating sila sa Manila, isang linggo bago magsimula ang torneo sa Hulyo.
Makakasama ng kanilang team bilang manager ayon kay Erdenay si dating NBA player Hedo Turkoglu habang kabilang naman sa kanilang key players sina 7-0 Omer Asik ng New Orleans, 6-11 Enes Kanter ng Oklahoma City, 6-10 Ersan Ilyasova ng Detroit, at 6-9 Furkan Aldemir ng Philadelphia.
Samantala, nakatakdang dumating sa bansa si FIBA Sport and Competitions Director Predrag Bogosavljev kasama si FIBA Asia Secretary-General Hagop Khajirian sa Pebrero 28 para sa dalawang araw na “inspection visit”.
Susuriin ng dalawang FIBA official ang mapa ng MOA Arena kung sumunod ito sa itinakdang “terms of the Host Nations Agreement” gayundin ang mga napiling hotel na tutuluyan ng mga koponan VIPs, referees, FIBA working staff at media.
Titingnan din nila ang mga isinagawang “local transportation arrangements”, ang itinakdang game schedules at ang pagsasaayos ng lahat ng naaayon sa Swiss Timing para sa pagpapalabas ng mga games statistics bukod pa sa TV graphics at pag-aayos ng accreditation system.