INIUWI ni Pia Alonzo Wurtzbach ang korona ng Miss Universe—nang literal—nitong Sabado ngunit maaari itong magdulot sa kanya ng ilang problema sa Bureau of Internal Revenue, maliban na lang kung makakagawa ng paraan ang Kongreso at ang Malacañang tungkol dito.
Ang korona ng Miss Universe, na nagkakahalaga ng $300,000, ay napapalamutian ng mga diyamante, topaz, sapphires, at ginto. Napanalunan niya ito bukod sa iba pa niyang premyo bilang Miss Universe. Para sa lahat ng kanyang napanalunan, bubuwisan siya ng gobyerno ng United States. Mangongolekta rin ng sarili nitong buwis ang gobyerno ng Pilipinas—maliban na lang kung magtatagumpay sa Kongreso ang isinusulong na tax exemption para sa kanya.
Naghain si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at ang kapatid niyang si Abante Mindanao Party-list Rep. Maximo Rodriguez, Jr. ng House Bill 6367 na hindi na magtatakda ng buwis para sa lahat ng napanalunan at benepisyo ni Pia – na lumaki sa Cagayan de Oro. Agad namang nagpahayag ng suporta sa nasabing panukala si Speaker Feliciano Belmonte, Jr.
Tama lamang na dahil sa napakalaking karangalan na ibinigay ni Pia Wurtzbach sa Pilipinas sa pagkakapanalo niya ng korona ng Miss Universe, ay hindi na siya sisingilin ng buwis sa lahat ng kanyang tinanggap at tatanggapin, kabilang ang isang-taong suweldo niya at panggastos habang nasa New York City.
Mayroon na rin tayong ibang mga beauty queen sa nakalipas na mga dekada simula nang mapanalunan nina Gloria Diaz at Margie Moran ang titulong Miss Universe noong 1969 at 1973, ayon sa pagkakasunod. Bawat isa sa mga beauty queen na ito ay nagdala ng pagkilala at karangalan sa ating bansa. Karapat-dapat lamang sila sa lahat ng konsiderasyon, kabilang na ang tax exemption, na maipagkakaloob ng ating gobyerno.
May ilang araw na lang na natitira at nariyan pa ang ilang mahahalagang panukala at resolusyon na naghihintay na maaprubahan, kabilang ang isang nagsusulong na mapawalang-bisa ang presidential veto sa pagtataas ng pensiyon ng mga retirado, at ilang panukalang gaya ng Bangsamoro Basic Law, na determinado ang administrasyon na maipasa sa Kongreso. Bago magtapos ang Kongresong ito sa Biyernes ng susunod na linggo, umaasa tayong kabilang ang pagkakaloob ng tax exemption sa ating bagong Miss Universe sa mga maaaprubahan nito.