MABUTI na lang at hindi minura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach sa paglikha ng napakatinding daloy ng trapiko dahil sa victory parade niya na nagsimula sa Pasay City, dumaan sa Maynila (kinilig umano si Erap nang magbeso-beso sila ni Pia), patungo sa Makati City, hanggang Quezon City.
Sagad hanggang tenga ang ngiti ni President Aquino nang mag-courtesy call si Pia sa Malacañang. Galak na galak din si Miss Universe 2015 sa pagbisita niya sa binatang Pangulo suot ang korona ng kagandahan. Ligawan kaya siya ni PNoy? Eh, magustuhan naman kaya siya ni Pia?
Binalewala ng taga-Metro Manila ang mabagal na daloy ng mga sasakyan basta’t masilayan lang ang pinakamagandang babae sa buong mundo. Matatandaang minura ni Mayor Digong si Pope Francis nang bumisita siya sa Pilipinas noong Enero 2015 dahil sa trapik. Ang sabi ng isang senior-jogger, bakit hindi minura ni Mang Rody si Pangulong Noynoy Aquino sa pag-imbita sa Santo Papa. Takot ba siya kay PNoy?
Natrapik si Mayor Duterte ng halos limang oras at tiniis daw niya ang hindi pag-ihi sa pagbisita ni Lolo Kiko. Ang machong alkalde ay papunta sa airport mula sa kanyang tinutuluyan sa Metro Manila nang mababad siya sa lansangan sa loob ng ilang oras dahil sa bigat ng daloy ng mga sasakyan. Mula nang murahin niya si Pope Francis, nawalan ng gana at simpatiya ang mga tao na dati’y humahanga sa kanya dahil sa pagmumura at bantang pagpatay sa mga drug pusher, rapist-murderer, smuggler at tiwaling pulitiko.
Dapat ay minura rin niya si PNoy dahil sa matinding trapik nang idaos ang APEC Summit Conference sa Metro Manila nitong Nobyembre. Bakit tameme siya? Hindi siya consistent sa pagmumura o mumurahing tao o okasyon. Takot ba siya sa binatang Pangulo?
Dapat ay kinastigo niya si PNoy sa desisyong sa Metro Manila idaos ang APEC gayong puwede naman itong gawin sa Subic o Clark na walang maaabala o mapipinsalang negosyo gaya ng ginawa noong panahon ni ex-Pres. Fidel V. Ramos nang idaos ang APEC sa bansa na dinaluhan pa ni ex-US Pres. Bill Clinton.
Dumalaw sa Pilipinas sina Japanese Emperor Akihito at Empress Michiko upang mas palakasin ang samahan ng Pilipinas at Japan. Nasabay ang limang araw na pagdalaw ng Japanese Emperor sa ika-60 anibersaryo ng normalisasyon ng Phl-Japan diplomatic relationship matapos pulbusin ng Japan ang ‘Pinas noong World War II (WWII).
Ang Hapon ang numero unong nagkakaloob ng tulong-ekonomikal sa Pilipinas. Si Akihito ang anak ni Japanese Emperor Hirohito (Showa) na itinuturing na Diyos ng mga Japanese hanggang sumapit ang WWII at dumanas ng pagkatalo ang Japan na noon ay pinaniniwalaang invincible. Buti hindi minura ni Mayor Digong si Akihito dahil 40 biyahe ng eroplano ang kinansela. Hindi kaya nakansela ang flight niya mula Davao City papuntang Maynila? (BERT DE GUZMAN)