Naitala ng Arellano University ang kanilang ikatlong sunod na panalo habang nananatili namang walang talo ang Philippine Merchant Marine School sa pagpapatuloy ng 12th Fr. Martin Cup Collegiate Open basketball tournament sa Far Eastern University gym sa Morayta, Manila.

Ginapi ng Chiefs ang Adamson University Falcons, 77-76, sa isang dikdikang laban noong nakaraang Linggo, isang araw matapos nilang maitala ang ikalawang sunod na panalo kontra Philippine College of Criminology, 124-51, sa larong idinaos sa kanilang homecourt sa Legarda.

Sinamantala naman ng Mariners ang hindi paglalaro ni CJ Perez para sa Ateneo upang mapataob ang huli, 65-56.

Isinalba ni Donald Gumaru ang Chiefs sa pamamagitan ng kanyang buzzer-beater jumper para agawin ang kalamangan at tagumpay sa Falcons.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Namuno naman para sa Mariners si Elvin Chan na nagposte ng 14 puntos kasunod si Jake Yagonia na nagtala ng 13 puntos.

Dahil sa panalo, namumuno na ngayon ang Arellano sa Group B taglay ang malinis na barahang 3-0, panalo-talo, kasunod ang Letran-A na nakamit ang ikalawang sunod na panalo makaraang gapiin ang University of the East, 58-53.

Sa iba pang laban, nanaig ang Manuel L. Quezon University laban sa College of St. Benilde, 66-50, para umangat sa kartadang 2-1, panalo-talo, sa Group A habang nakapasok naman sa winner’s circle ang Mapua makaraang gapiin ang Letran-B, 96-52.