Barbie & Andre copy copy

SI Bb. Joyce Bernal ang tipo ng director na hindi naman inililihim kung nai-in love siya sa kanyang mga artista.

Inspirasyon daw niya iyon kapag idinidirek niya ang mga artista niya. 

Kaya sa presscon ng That’s My Amboy, ini-reveal niya ang malaki niyang paghanga sa mga bago niyang artistang sina Barbie Forteza at André Paras.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Si Barbie, nakitaan ko na agad ng pagiging Judy Ann Santos after kong maidirek for the first time as the young Rhian Ramos sa Pinoy adaptation ng koreanovelang Stairway To Heaven in 2009,” kuwento ni Direk Joyce. “After that gusto ko siyang muling makatrabaho at ngayon lamang natupad after six years, dalaga na siya. Maganda dahil romantic-comedy ito at hindi na parang nene si Barbie dahil isang stuntwoman ang role niya bago naging PA (personal assistant) ni Andre dito. Maganda ang role niya, type ko ang role pero hindi ko type ang mga stuntman. And she delivers.”

Kumusta naman si Andre na first time niyang maidirek?

“Iba ang personality ni André, mabait siya, very professional at may pagkasosyal ang dating, ibang-iba sa ama niyang si Benjie Paras, pang-matinee idol kasi ang personality ni André.”

Dahil naging issue nga ang pagmumura kung minsan ng mga director kapag gumagawa ng movie o TV series, natanong si Bb. Joyce kung nagmumura siya sa set.

“Hindi mainitin ang ulo ko. Pero minsan na hindi mo maiwasang may mangyari sa set na mag-iinit ang ulo ko, umaalis ako, magkakape-kape ako, chill lang ako. Hindi kasi ako makakapagdirek kapag mainit ang ulo ko. Kapag okey na ako, bumabalik na ako sa set, tuloy na ang trabaho.”

Mapapanood na simula ngayong Lunes ang That’s My Amboy sa GMA-7 pagkatapos ng Little Nanay na nagtatampok din kina Tonton Gutierrez, John Arcilla at Ms. Donita Rose. (NORA CALDERON)