ENERO 23, 1899 nang ang unang Republika ng Pilipinas (na tinatawag ding Republika ng Malolos)—ang unang malayang republika sa Asia—ay pasinayaan sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan. Ngayong taon, ginugunita ng bansa ang ika-117 anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas.
Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 533 noong Enero 9, 2013, idineklara ang Enero 23 ng bawat taon bilang “Araw ng Republikang Filipino, 1899” upang ipagdiwang ang mabunying kabanata na ito sa kasaysayan ng Pilipinas.
Inaasahang pangungunahan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga pambansa at mga lokal na opisyal sa pagtataas ng watawat at pag-aalay ng mga bulaklak sa Barasoain Church. Ang simbahan ay iprinoklama bilang isang national shrine ng Presidential Decree No. 260 noong Agosto 1, 1973.
Ang Malolos City ang magiging punong abala sa mga event sa sining, kultura, at turismo para sa mga lokal at dayuhang panauhin sa pamamagitan ng taunang Fiesta Republica, isang enggrandeng selebrasyon na kinabibilangan ng parada, pagpapalabas ng pelikula, bike fest, trade fair, food festival, at paligsahan sa street dancing.
Ang Unang Republika ng Pilipinas ay itinatag kasunod ng pagpapatibay sa Malolos Constitution ng Unang Asembliya sa Kalayaan ng Pilipinas ni General Emilio F. Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898, sa Kawit, Cavite.
Ang Unang Republika ng Pilipinas ay pinasinayaan noong Enero 23, 1899, sa harap ng makukulay na seremonya, at dito ay nanumpa sa tungkulin si Aguinaldo bilang pangulo, habang tinukoy naman ang Malolos bilang sentro ng gobyerno.
Bagamat sandali lamang, umani ito ng suporta mula sa mamamayang Pilipino at ng pagkilala ng ibang mga bansa. Ang unang dekrito ni Aguinaldo ay ang patawarin ang lahat ng bilanggo at pagkalooban ang mga dayuhan ng karapatang magnegosyo sa Pilipinas.
Tinanggap ng Unang Republika ang dalawang mahahalagang hakbangin: Naratipikahan ang deklarasyon ng kalayaan noong Setyembre 29, 1898, at ang pagpapatibay sa Malolos Constitution, na ipinalaganap ni Aguinaldo noong Enero 21, 1899.
Pinalitan ng Malolos Constitution ang Kasunduan sa gobyerno ng Biak-na-Bato noong Hulyo 7, 1897, at tinanggap ang mga demokratikong ideyalismo, binigyang kapangyarihan ang tatlong magkakahiwalay na sangay ng gobyerno—ang lehislatura, ehekutibo, at hudikatura—at ang prinsipyo na ang soberanya ay masusumpungan sa mamamayan.
Ang sentro ng gobyerno ay inilipat sa Cabanatuan, Nueva Ecija, noong Mayo 9, 1899 habang pumoposisyon na ang puwersang Amerikano, bago inilipat sa Tarlac, at sa Bayambang, Pangasinan. Ang Unang Republika ng Pilipinas ay nagwakas sa pagdakip kay Aguinaldo noong Marso 23, 1901 sa Palanan, Isabela.