ANG gobyerno na naman ang magpupuno sa kakulangan kung inaprubahan ang Social Security System (SSS) P2,000 pension hike, ayon kay Commisioner Alimurong. Wala raw kasing kaukulang buwis na makokolekta ang gobyerno para ipampuno rito. Dahil ganito nga ang mangyayari, masasaid ang Investment Reserve Fund (IRF) ng SSS pagsapit ng 2029. Hindi naman daw lahat ng mga nagpe-pension ay mahirap.

Ang pondo ng SSS ay sa mga manggagawa at mga taong kusang sumapi rito. Pribadong pondo ito, ayon sa Korte Suprema.

Kaya, ang mga commissioner tulad ni Alimurong ay nasa SSS para pangalagaan ang pondo para sa mga kasapi nito. Hindi sila hinirang para samantalahin ang kanilang pondo at gawing gatasan ang SSS na nilikha ng batas para sa kanilang kapakanan. Ang problema, ang mga commissioner ay para palang mga kambing na pinagbantay sa taniman ng repolyo. Sila ang umuubos ng kanilang binabantayan. Buhay milyonaryo ang mga SSS commissioner dahil sa tinatanggap nilang sahod, allowance, bonus, pa-kotse at iba pang pinagpaguran ng mga manggagawa.

Kaya nilikha ang SSS ay para sa kapakanan hindi lamang ng mga manggagawa kundi maging ng lipunan at bansa.

Kinakaltasan ng gobyerno ang sahod ng karamihan sa mga manggagawa para maging pondo ng SSS. Ang iba naman ay kusang sumapi at nag-aambag sa pondo nito. Kung sakaling mangailangan sila para sa kanila at pamilya, o kaya ay sumapit sila sa kalagayang hindi na nila kayang magtrabaho sa anumang kadahilanan, may pondo silang magagamit para sa kanilang ikabubuhay. Hindi sila magiging pasanin ng gobyerno o problema ng lipunan. Ang salaping dapat na ilaan sa kanila bilang tulong kung wala ang SSS ay magagamit sa iba pang layunin para sa ikauunlad ng bayan.

Kaya, hindi katanggap-tanggap ang ginawang pagbasura ni Pangulong Noynoy sa pension hike bill. Kasi, binabawi lang ng mga manggagawa at kasapi ng SSS ang naipon nilang pera para sa kalagayan nila ngayon. Mali iyong katwiran ni Alimurong na hindi lahat ng mga pensionado ay mahirap para ipagkait sa kanila ang P2,000 umento. Kung mayroon mang may kaya sa mga ito, iilan lang sila. Nag-ambag din sila sa pondo ng SSS ayon sa laki ng kanilang kinikita. Kaya nga sila sumapi sa SSS ay nakikita nila ang kanilang magiging katayuan kapag dumating na ang panahong hindi na sila makapagtrabaho. Kung hindi maibalik sa manggagawa ang kanilang naipong pera, may kababalaghang nangyari dito. O kaya, hindi tinumbasan ng mga namamahala ng tapat na serbisyo ang tinatamasa nilang napakalaking benipisyo.

(RIC VALMONTE)