Bilang tugon sa “friendly reminder” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na babayaran ni 2015 Miss Universe Pia Alonzo Wurtzbach ang lahat ng kanyang premyo, nanawagan ang dalawang administration congressman na ipasa ang isang panukala na magkakaloob ng tax exemption sa lahat ng napanalunan ng bagong Pinay beauty titlist.

Inihain nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Party-list Rep. Maximo Rodriguez ang House Bill 6367 na magkakaloob kay Wurtzbach ng tax privileges sa pagkakapanalo niya ng titulong Miss Universe noong nakaraang buwan.

Sinabi ng magkapatid na kongresista, na gaya ni Wurtzbach ay taga-Cagayan de Oro rin, na karapat-dapat ang 26-anyos na dalaga sa tax exemption “[for] coming out on top to finally bring back the Miss Universe crown” sa Pilipinas makalipas ang 42 taon.

“In view of the tremendous achievement of Kagay-ayon Ms Pia Alonzo Wurtzbach and for bringing pride and honor to the Philippines by winning the 2015 Miss Universe pageant, it is only right that all her winnings and prizes be exempt from any form of taxes and duties,” anang dalawang mambabatas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Una nang pinaalalahanan ni BIR Commissioner Kim Jacinto Henares si Wurtzbach na dapat itong magbayad ng tamang buwis kasunod ng pagpapanalo nito sa Miss Universe.

Bubuwisan ng BIR ang 32 porsiyento ng $300,000 (P4.1 milyon) cash na napanalunan ni Wurtzbach, bukod pa sa kikitain nito sa modeling contract, scholarship, at buwanang suweldo bilang Miss Universe.

Inihain ang HB 6367 nitong Lunes at agad na idiniretso sa House Committee on Ways and Means para sa rekomendasyon.

Umapela ang magkapatid na suportahan ang agarang pagpapasa sa nasabing panukala, na maaari pang maipasa sa natitirang tatlong linggong regular session days. (Ben R. Rosario)