Ang mga nagbabalikbayang Pilipino na hindi na babalik sa ibang bansa ay walang babayarang buwis sa P350,000 halaga ng kanilang personal at household effects na iuuwi sa Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa oras na maging ganap na batas ang CMTA, ililibre sa buwis ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho pa rin sa ibang bansa o magpapadala sa Pilipinas ng balikbayan box na ang laman ay hindi lalagpas sa P150,000.
Si Recto ang may-akda ng Balikbayan Box Law (BBL) provision na nakapaloob sa CMTA.
Sinabi ni Recto na itinataas din ng panukalang CMTA ang tax-exempt value ng personal property ng isang OFW na permanente nang magbabalik sa bansa, marahil ay isang 20-foot container van basta’t ang halaga nito ay hindi lalagpas sa P350,000.
Kabilang sa mga bagay na sakop nito ang “used household appliances, jewelry, precious stones, and other goods of luxury, personal and household effects including wearing apparel, goods of personal adornment except luxury items, toilet goods, instruments related to one’s profession and analogous personal or household effects, excluding vehicles, watercrafts, aircrafts and animals.”
Ayon kay Recto, ang P350,000 tax-free ceiling ay maaari lamang pakinabangan ng mga nanirahan sa ibang bansa nang mahigit 10 taon.
Ang mga nanirahan sa ibang bansa nang hindi bababa sa limang taon ngunit hindi umabot ng 10 taon ay makikinabang sa mas mababang shipment value na P250,000, aniya.
Isinasapinal na ng House-Senate conference committee ang bersyon na ipadadala sa dalawang kapulungan para sa ratipikasyon. (MARIO CASAYURAN)