Sisimulan ngayong umaga ang qualifying event para sa natitirang apat na slot sa main draw ng isasagawang Association of Tennis Professionals (ATP) Challenger sa bagong gawang Rizal Memorial Tennis Center sa Manila.

Sinabi ni Philippine Lawn Tennis (PHILTA) Vice-President Randy Villanueva na isa na marahil sa pinakamalakas na qualifying event ang magaganap sa susunod na tatlong araw bunga ng paglahok ng pinakamahuhusay na batang tennis players sa buong mundo.

“We expect a total of 32 players in the qualifier pero ito na marahil ang pinaka-challenging at pinakamatinding laban dahil maraming mahuhusay na players na hindi masyadong nakikita ang inaasahang sasali,” sabi ni Villanueva.

“We have yet to see the lists but we expect that mayroong mga sleepers na sasali dito sa qualifying event na iyung iba ay for example Australian champion o iyung mga national champions na hindi natin nanu-notice,” sabi pa nito.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Isinagawa naman ganap na 9:00 ng gabi ang draw ng torneo.

Una nang nabibiyayaan ang Pilipinas sa pagiging host nang apat na slots bilang wildcard sa main draw ng may pinakamalaking premyong na bahagi ng ATP Tour.

Pinagpipilian pa ng PHILTA kung sino ang ilalagay kina Francis Casey Alcantara, Jeson Patrombon at Alberto Lim, Jr., sa nasabing wild card slots.

Nauna nang nakakuha sina Ruben Gonzales, Patrick John Tierro at Fil-American Mico Santiago para naman sa qualifying round .

Kabuuang $75,000 ang nakatayang premyo sa ATP ChallengeTournament na kung saan kumpirmadong 22 na sa pinakamahuhusay na manlalaro sa buong mundo ang dadayo simula sa Enero 18 hanggang 23.

Ang 22 manlalaro ay kumpirmadong sasabak sa torneo bilang direct acceptance kasama ang apat na wild cards habang ang apat na iba pa ay magmumula sa isasagawang tatlong araw na qualifying event at dalawa naman ang special exempt.

(Angie Oredo)