Malinaw na nakapag-move on na si Miss Colombia Ariadna Gutierrez sa kontrobersiya sa 2015 Miss Universe beauty pageant noong nakaraang buwan matapos siyang magpasalamat sa mga Pilipino, gamit ang wikang Filipino, at kumain pa siya sa Filipino restaurant sa Chicago kamakailan.

“Salamat!” sinabi ni Gutierrez sa kanyang video post sa Instagram, habang napaliligiran siya ng nangakangiting kostumer na pawang Pilipino.

Nakasaad sa kanyang caption: “Thank you so much ♥ #Philippines No se pierdan hoy@elgordoylaflaca a las 4pm por@univision @latinwe.”

Kasama ni Gutierrez ang dalawang kaibigang lalaki nang kumain ng pansit sa restaurant na tinatawag na “Aklan”, na itinampok din sa American-Spanish language show na “El Gordo y La Flaca”.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nakatakda ring makaharap ni Gutierrez ang pageant host na si Steve Harvey sa Enero 18, sa una nilang public appearance na magkasama kasunod ng kontrobersiya sa pageant noong Disyembre 20.

Ito ang unang beses na muli silang magkakaharap makaraang magkamali si Harvey sa pagdedeklarang si Gutierrez ang nanalo, gayung ang ating pambato na si Pia Alonzo Wurtzbach talaga ang nagwagi.

Una nang sinabi ni Gutierrez na labis siyang napahiya, gayundin ang kanyang bansa, sa nangyari.

Sinabi naman ni Wurtzbach sa isang panayam na wala silang problema ni Gutierrez, at binati pa niya si Miss Colombia nang magdiwang ito ng kaarawan noong Disyembre 25. (ROBERT REQUINTINA)