NANG magdesisyon ang Korte Suprema na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay hindi labag sa ating Konstitusyon, naitanong ko sa sarili: Hindi kaya ito isang pagkakataon upang ang pamahalaang Amerikano ay makapanghimasok sa ating bansa? Upang sila ay makabalik sa iniwan nilang US bases at makapagtayo pa ng karagdagang himpilan?
Magugunita na ang US military bases sa Subic at Clark ay matagal nang binaklas kasunod ng walang patumanggang protesta ng mga militante. Nagkaisa ang higit na nakararaming senador sa pagpapatanggal sa mga naturang himpilan noong 1991 na kung bibilangin ay 25 taon na ang nakalilipas. Gayunman, laging lumulutang ang hangarin ng mga Amerikano upang sila ay makabalik.
Subalit maliwanag ang isinasaad sa desisyon ng Korte Suprema: Hindi sila papayagang makapagtayo ng kanilang mga military bases. Ang tanging magagawa nila ay gamiting bodega ang ating mga himpilan upang mailagak ang mahahalagang kagamitan na kailangan sa panahon ng kalamidad. Ang kanilang makabagong military transport ay kailangan din sa modernisasyon ng ating Armed Forces na hanggang ngayon ay nagtitiis pa sa mga lumang kagamitan.
Matatandaang na dalawang malalaking barko ang ipinagkaloob sa atin ng US government, bukod pa rito ang mga helicopter at eroplanong pandigma. Maliwanag na pawang mga kagamitang pangsaklolo sa mga binabaha at binabagyo ang tataglayin ng mga Kano bilang pagsunod sa EDCA. Sa gayon, magiging madali at mabilis na ang pagtugon ng US sa ating mga pangangailangan sapagkat nasa loob na ng ating bansa ang mga gagamitin nilang pansaklolo.
Bukod sa kawanggawa, dapat lamang asahan ang mga Amerikano sa pagtulong sa atin. Hindi nila maipagwawalang-bahala ang iniaatas ng Mutual Defense Treaty na nakalundo sa pagtutulungan ng mga bansang nakalagda rito sa panahon ng pangangailangan, lalo na kung may digmaan. Idagdag pa rito ang Visiting Forces Agreement (VFA) na may probisyon din upang tayo ay kanilang damayan kung kinakailangan. Laging nakaantabay ang kanilang puwersa na nakahanda sa lahat ng sandali.
Sa ganitong misyon ng mga Amerikano sa halos lahat ng larangan, tiyak na sila ay lagi nating magiging kaagapay.
(CELO LAGMAY)