Inatasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na mag-report sa kawanihan dahil sisingilin din ito ng buwis.

Inihayag ni BIR Commissioner Kim Henares na pagdating pa lang sa bansa ni Wurtzbach ngayong buwan ay hindi na ito makakawala sa pagbabayad ng tax sa mga napanalunan nito sa beauty pageant.

Sinabi ni Henares na kinakailangang ideklara lahat ni Wurtzbach ang napanalunan nito sa nasabing kumpetisyon.

Tinukoy ng BIR ang korona ni Wurtzbach, na ginawa pa ng Czech Republic na sinasabing nagkakahalaga ng $300,000, o katumbas ng P14,000,000.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Bukod pa rito ang isang taong suweldo ng 26-anyos na beauty queen bilang Miss Universe, living expenses, mga alahas, at film school scholarship na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa inilalabas ang halaga.

Ayon kay Henares, dapat sumunod sa batas ng bansa si Wurtzbach dahil may double taxation treaty ang Pilipinas at Amerika, at kinakailangang i-report ng isang Pilipino sa Amerika ang kanyang napanalunan, cash man o in-kind.

Matatandaang naglabas ng resolusyon si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na nagsasabing hindi na dapat buwisan ang premyo ni Wurtzbach, na taga-Cagayan de Oro rin.

Napaulat na darating sa bansa si Wurtzbach sa Enero 23. (ROMMEL P> TABBAD)