ANO ba ang nauna? Itlog o manok?

Ito ang paikut-ikot na katanungan ng marami tuwing naiipit sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ano ba talaga ang sanhi ng traffic sa NAIA? Sobrang dami ng tao, sobrang dami ng sasakyan o mga istruktura na nagsulputang parang mga kabute?

Dahil dito, madalas na ang pagkaipit ng mga pasahero sa pangunahing paliparan ng bansa, habang naghihintay ng sundo o taxi na masasakyan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kawawa ang mga pobreng driver na sumusundo sa kani-kanilang pasahero. Ilang oras na naiipit sa halos hindi umuusad na trapiko, walang makain at walang palikuran.

Sa gitna ng ibinabandera ng administrasyong Aquino na “inclusive growth” sa ekonomiya ng ‘Pinas, pagdurusa pa rin ang dulot sa mamamayan.

Siyempre, kapag may krisis, and’yan ang mga nananamantala.

Nitong mga nakaraang araw, pangunahing isyu sa media ang sobrang singil ng mga taxi driver sa NAIA.

Dahil sa matinding pangangailangan ng mga pasahero ng masasakyan sa kanilang pagdating sa airport, nagsasamantala ang mga taxi operator sa NAIA sa singil sa pasahe.

Lumitaw na rin ang mga kopya ng fare matrix ng mga airport taxi, na dollar ang singil ng mga operator.

Sa maikling distansiya, $50 dollars ang katapat.

Nang mabuking, todo-tanggi ang mga ito kasabay ng pagsabing “peke” ang naglutangang taxi matrix fare.

Tanungin n’yo si Boy Commute. Matagal nang kalakaran d’yan sa taxi business sa NAIA ang sobrang singil.

Sino’ng mag-aakala na ang taxi fare mula sa NAIA (Pasay City) patungong Parañaque ay umaabot ngayon sa P1,000 na dating P250 lamang.

Ang dahilan ng driver…pantabla sa traffic! Anila, dahil sa traffic, naiipit ang kanilang mga kasamahang taxi kaya nagbubunsod ito sa mahabang pila sa taxi stand.

Habang nasa dulo ng pila si Boy Commute at naghihintay ng taxi, may biglang kakalabit sa likuran at mag-aalok ng taxi.

Uwing-uwi na si Boy Commute kaya dali-daling itinulak ang kanyang trolley upang sumabay sa lalaki na nag-alok ng masasakyan.

Laking gulat pa ni Boy Commute na kaparehong taxi na kanilang pinilahan ang inaalok na taxi sa kanya. Saang lupalop nanggaling ito?

Habang nagsisikip ang dibdib ni Boy Commute sa galit, binuksan ng lalaki ang pintuan ng taxi at sabay bitaw: “Sir, P1,500 po hanggang Merville.”

Dito na nanlamig at nangatal si Boy Commute.

Ngunit sumakay pa rin ang pobre dahil nagmamadali ng umuwi.

‘Ika nga sa Ingles: “Bite the bullet” na lang.

Sabay tanong: Nasaan na ang “tanim-bala”? (ARIS R. ILAGAN)