Upang maipadama ang kanilang suporta kay Mary Jane Veloso, na nahaharap sa parusang bitay sa Indonesia dahil sa pagpupuslit ng droga, inihayag ng tatlong grupo ng Indonesian migrants na makikipagpulong sila sa mga miyembro ng pamilya ng Pinay death convict ngayong linggo.

Sa isang pahayag, sinabi ng Migrante International na ang tatlong grupo ay kinabibilangan ng Komnas Perempuan (Indonesian Commission on Violence against Women), Jaringan Buruh Migran Indonesia (JBMI), at Keluarga Besar Buruh Migran Indonesia (KABAR BUMI).

“Sumusuporta ang Komnas Perempuan sa Save Mary Jane alliance habang ang JBMI at KABAR BUMI ay mga kaalyadong organisasyon ng Migrante,” ayon kay Migrante official Conni Regalado.

“Nakikipag-usap na rin ang Migrante sa Filipino community, Indonesian women’s groups at ASEAN Youth Forum na nag-oorganisa ng mga pagpupulong at talakayan sa Yogjakarta upang isulong ang #FreeMaryJane campaign,” dagdag ni Regalado.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Aniya, isinusulong ng mga naturang organisasyon na mabigyan ng permanent reprieve si Veloso at mapabilis ang pagresolba sa mga kasong kinahaharap ng kanyang mga recruiter na nakapiit ngayon sa Pilipinas.

Umani ng suporta si Veloso mula sa mamamayan ng Indonesia nitong 2014 matapos lumitaw ang mga balita na nilinlang siya ng isang sindikato sa droga sa pagpupuslit ng heroin sa Yogjakarta Airport noong 2010. (Samuel P. Medenilla)