ANG pagbabangayan sa Commission on Elections (Comelec) ay hudyat ng isang nakababahalang posibilidad: ang pagpapaliban ng 2016 presidential polls. Bagama’t imposibleng mangyari ang pinangangambahang “no-election scenario”, hindi maiaalis na tuluyang mawalan ng tiwala ang sambayanan sa nasabing tanggapan.

Nakalundo ang pag-iiringan nina Comelec Chairman Andres Bautista at Commissioner Rowena Guanzon sa disqualification issue laban kay Sen. Grace Poe. Hindi na natin tatangkaing busisiin ang merito ng naturang isyu sapagkat ito ay nakasampa na sa Korte Suprema. Sapat nang sabihin na ito ay nagpapahiwatig ng nakadidismayang impresyon sa dahilang sila ay may kanya-kanyang presidential bets na kinakampihan. Ang agarang paglutas sa naturang isyu ay kinakailangan.

Maging ang disqualification case laban kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay kinakailangan ding malutas agad. At sa iba pang mga isyu laban sa iba pang presidential candidate na maaaring tutukan ng Comelec.

Isa rin sa pinangangambahang maging dahilan ng pagsuspinde sa halalan ay ang isyu hinggil sa precint count optical scan (PCOS) machine. Maraming dapat linawin tungkol sa teknikalidad nito. Hindi ba’t nagkaroon ng mga haka-haka na ito ay pinairal noong nakaraang eleksiyon upang paboran ang ilang kandidato? Kaakibat nito ang mga hinala na ito ay gagamitin para sa malawakang dayaan. Dahil dito, hindi malayo na ituloy ng isa sa mga presidential bet ang kanyang banta na siya ay maglulunsad ng people power kapag siya ay nadaya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isa pang dahilan ng posibleng pagsuspinde ng halalan ay ang paghahasik ng kaguluhan ng mga bandidong rebelde na walang patumangga sa paglikom ng revolutionary taxes. Ang mga kandidato na nangangampanya sa mga lugar na pinamumugaran ng mga ito ay kailangang magbayad ng kaukulang halaga upang makatiyak ang panalo. May pagkakataon na ang ganitong pangyayari ay nagiging madugo.

Ang pagkabigong maaksiyunan ang mga ito ay maaaring maging dahilan ng magulong eleksiyon -- taliwas sa matapat, tahimik at kapani-paniwalang halalan na ipinangangalandakan ng administrasyon ni Presidente Aquino. (CELO LAGMAY)