Pinatunayan ng Emilio Aguinaldo College kung bakit sila ang reigning champion ng men’s division nang kanilang bahiran ang dating malinis na imahe ng University of Perpetual sa pamamagitan ng straight sets win, 25-20, 25-22, 25-17 kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Dahil sa pagkabigo, naunsiyami ang tangkang sweep ng Altas na dapat maghahatid sa kanila ng diretso sa final round at bumaba sa barahang 7-1, panalo-talo

Dinispatsa rin sila ng Generals sa top spot matapos nitong umangat sa barahang 8-1, panalo-talo, upang pormal na matiyak ang isa sa top 2 spot papasok ng Final Four round na may kaakibat na bentaheng twice-to-beat.

Muling namuno para sa Generals ang reigning MVP na si Howard Mojica na nagposte ng game-high 20puntos na binubuo ng 15 hits at 5 aces mula sa kanyang jump serves.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

"Talagang lahat gustong manalo, lalo na si Howard,” pahayag ni EAC coach Rodrigo Palmero.

Nauna rito, na-upset din ng EAC Brigadiers ang defending juniors titlist Perpetual Help Junior Altas at ipinalasap dito ang unang kabiguan sa anim na laban, sa loob ng isang dikdikang 5-setter, 25-27, 25-21, 25-21, 21-25, 15-7.

Nagposte si Ralph Joshua Pitogo ng 17 hits, 4 na blocks at 1 ace para sa kabuuang 22 puntos habang nagdagdag naman sina team skipper Cee-Jay Hicap at Ederson Rebusora ng 18 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa nasabing panalo, ang ikaanim ng Brigadiers sa pitong laro na sumelyo rin bentaheng twice-to-beat para sa kanila papasok ng Final Four.

Ang kabiguan ang ikalima naman para sa Juniors Altas na pinangunahan nina Darwin Salopaso at Patrick Rosos sa anim na laban.

Samantala, binigo naman ng Lady Altas ang tangkang sweep ng EAC nang talunin nito ang Lady Generals, 25-20, 25-20, 25-23, sa pangunguna nina Lourdes Clemente at Jamela Suyat na umiskor ng 16 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Tumatag ang Lady Altas sa ikaapat na puwesto hawak ang barahang 6-2, panalo-talo, habang lumabo naman ang tsansa ng Lady Generals na makaabot ng Final Four round sa pagbagsak nito sa ikapitong puwesto taglay ang barahang 3-6, panalo-talo, kapantay ng San Beda.