Naniniwala si Pangulong Aquino na ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa madugong Mamasapano massacre case ay may kaugnayan sa pulitika, lalo at papalapit na ang eleksiyon sa Mayo.

“Palagay ko sa lahat ng pangyayari, nakikita nating malaking bagay ‘yung pulitika. Huwag nating kalimutan ‘yung pasimuno nito, siguro maiintindihan natin, malamang may sama ng loob sa aking administrasyon,” pahayag ni Aquino.

Pinasaringan ng Pangulo si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na humiling sa pagbuhay sa imbestigasyon sa madugong engkuwentro sa Maguindanao na 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) ang namatay.

Pansamantalang nakalalaya si Enrile matapos payagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa kaugnay ng kinahaharap niyang kasong plunder na may kinalaman sa multi-bilyon pisong pork barrel scam.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Well, alam naman nating malapit na ‘yung campaign period. Sa ating mga katunggali nakita nila na ito ‘yung parang pinakamabigat na dagok sa akin simula nang ako’y namahala. Siguro sinusubukan nilang samantalahin na naman ‘yung pagkakataon ,” ayon kay Aquino.

Ayon kay PNoy, hindi siya magpapadala sa kanyang emosyon lalo na sa Enero 25, ang araw na namatay ang 44 na tauhan ng SAF na kaarawan din ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Corazon C. Aquino.

Aniya, hindi rin siya nababahala sa kahihinatnan ng muling pagsisimula ng imbestigasyon ng Senado sa Enero 25, 2016.

(Madel Sabater-Namit)